Kaarawan sa lockdown: Isang netizen nakatanggap ng “community quarantine cake” para sa kanyang birthday




Larawan mula sa Reddit post ni UlyssesPre
  • Trending sa social media ang kakaibang birthday cake ng isang netizen ngayong panahon ng community quarantine
  • Gumawa sila ng ‘cake’ mula sa pinagpatong-patong na delata at nilagyan ng cupcake at kandila sa itaas
  • Marami namang pagbati ang natanggap ng netizen na ito sa kabila ng pagdiriwang ng kaarawan sa panahon ng lockdown

Maraming mga serbisyo, aktibidad, at pagdiriwang ang naantala dahil sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong bansa. Tanggap na ng marami sa atin na kailangan nating gastahin ang ating oras sa loob ng tahanan hanggang matapos ang utos ng pamahalaan.

Pero may mga bagay hindi pwedeng ipagpaliban sa kabila ng ECQ, katulad ng mga kaarawan. Bawal man ang magarbo at malaking pagtitipon sa bansa ngayon, gumagawa pa rin ng paraan ang ilang Pinoy para mapasaya ang kanilang kaanak na may kaarawan, kasama ang kanilang pamilya sa loob ng tahanan.

Larawan mula sa Reddit post ni UlyssesPre

Isa na rito ang trending na larawan mula sa social media platform na Reddit. Makikita ang larawang  in-upload ng netizen na si UlyssesPre sa kanyang account tungkol sa kakaibang birthday cake na natanggap ng kanyang kapatid.

Kaarawan nito pero dahil bawal munang lumabas, hindi na sila nakabili pa ng cake o anumang handa. Bumuo na lamang sila ng cake at ipinorma ang kanilang mga delatang imbak para sa ECQ. Pinagpatong-patong nila ang mga canned goods at sa ibabaw, nilagyan ng cupcake na may malaking kandila sa itaas.

Umakto namang naluluha sa tuwa ang kapatid ng netizen na nakatanggap ng pinakakaibang cake sa kanyang kaarawan. Dahil dito agad na nag-trending sa Reddit ang kakaibang birthday surprise na tiyak ay maraming gagaya dahil buong bansa ay naka-community quarantine.

Umapaw din ang pagbati ng ilang Reddit users sa kapatid ni UlyssesPre. Ayon sa kanila, kahit daw hindi nito naipagdiwang nang mas magarbo ang kanyang kaarawan ngayon, isang malaking regalo na ang magkakasama sila ngayong araw na ligtas at malusog.

Larawan mula sa Pexels

Mayroon din namang idinaan sa biro ang kanilang pagbati. Nakaayon sa mga brand ng canned goods sa kakaibang birthday cake ang kanilang pagbati. Sabi ng isa, “Mega happy birthday” daw alinsunod sa brand name ng isang sardinas.

Sabi naman ng isang netizen, wish daw niya na tumagal pa siya ng isang ‘century’ na hango naman sa pangalan ng isang sikat na tuna brand.

Source :

Reddit, Reddit Ph