Fil-Am Francisco Martin, pasok sa American Idol Top 20; sinabihang parang si Bruno Mars ng mga hurado




Larawan mula sa American Idol video
  • Pasok na sa top 20 ng American Idol ang Fil-Am singer na si Francisco Martin
  • Sinabi pa ni Katy Perry na parang si Bruno Mars si Francisco na isa ring Fil-Am
  • Umaasa ang fans ni Francisco na siya na ang unang lahing Pinoy na mananalo sa singing contest

Tuloy ang American Idol journey ng Filipino-American na si Francisco Martin matapos pahangain ang judges sa ginawang Hawaii Showcase Round ng longest-running singing competition ngayon sa United States.

Pinahanga ni Francisco, mula sa San Franciso, ang mga huradong sina Katy Perry, Luke Bryan, at Lionel Richie sa kanyang acoustic performance ng awitin ni Harry Styles na Falling. Bitbit ang kanyang gitara, pinatunayan ni Francisco na unti-unti na siyang nagma-mature bilang performer.

Larawan mula sa American Idol video

Tumatak kasi ang naging audition ni Francisco, hindi lang dahil sa kanyang mahusay na performance, kung hindi dahil sa sobrang nerbyosong siya na unang humarap sa judges. Sa Hollywood round, ninenerbyos pa rin si Francisco na nakaapekto man sa performance niya ay sapat pa rin ang kanyang husay para makapasok sa next round ng competition.

Sa final judgment round, matapos ang Showcase performance, muling humarap si Francisco sa mga hurado upang malaman ang kanilang desisyon kung sino-sino ang papasok sa Top 20. Sabi ng pop superstar na si Katy, malaki na raw ang improvement ni Francisco at lalo pa itong gumagaling.

Naikumpara pa ni Katy ang husay ni Francisco sa pag-perform sa isa pang may dugong Pinoy at Grammy awardee na si Bruno Mars dahil sa kakaibang charm at galing niya habang nasa entablado.

“I don’t really recognize who you are anymore… Especially what you did last night, and that’s a good thing… I was like, is that Bruno Mars? I like it,” sabi ni Katy.

Inilahad rin ni Luke kay Francisco ang malaking announcement na pasok na ito sa top 20 ng kompetisyon. Matatandaang sinabi agad ni Luke noong audition na winner material si Francisco.

Larawan mula sa American Idol video

Maraming American Idol fans mula sa Pilipinas ang umaasa na si Francisco na ang kauna-unahang half-Filipino na mananalo sa singing competition.

Sa season 3 ng American Idol, nakapasok sa top 3 ang half-Pinay na si Jasmine Trias habang nakarating naman sa finale si Jessica Sanchez noong season 11 at naging runner-up sa acoustic singer na si Phillip Phillips.

Panoorin ang performance ni Francisco sa pinakahuling episode ng American Idol: