DOH nananawagan sa mga boluntaryong doktor at nurses




Public Domain Image
  • Mga dagdag na boluntaryong doktor at nurses ang panawagan ng DOH
  • Nagdagdag din kasi sila ng tatlong referral hospitals upang gumamot sa mga magiging pasyente ng COVID-19
  • Ang mga ospital na ito ay Philippine General Hospital sa Maynila, Jose M. Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan, at Lung Center of the Philippines sa Quezon City

Nanawagan ang Department of Health (DOH) para sa mga karagdagang volunteer doctors at nurses bilang mga frontliners na sumusugpo at nakikipagtunggali sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) dahil sa dagdag na tatlong  referral hospitals para sa mga pasyente nito.

Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang tatlong dagdag na referral hospitals ay ang Philippine General Hospital sa Maynila, Jose M. Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan, at Lung Center of the Philippines sa Quezon City.

Public Domain Image

“And now we are going to call on volunteers po, magpo-post po kami, volunteer doctors, nurses… for the augmentation of staff para sa tatlong ospital po na ito,” panawagan ni Vergeire sa isang panayam sa radyo.

Inaayos na raw ang tatlong nabanggit na mga ospital at inihahanda na para sa mga pasyente, upang maiwasan ang pagkapuno ng mga pampubliko at pampribadong ospital, na may mga ibang kaso ring pinagagaling, bukod sa COVID-19.

“Mai–ayos lang po natin itong arrangements natin, maybe at the end of this coming week puwede na ho tayong magtanggap ng mga kaso dito ho sa mga ospital na ito at hindi na ho sila tatanggap ng hindi COVID-19 cases para lang po ma-decongest natin ang ating mga pribadong ospital,” dagdag niya.

Ayon naman kay Dr. Jonas del Rosario ng PGH, nakahanda na ang kanilang 130 mga kama para sa mga pasyente ng COVID-19, na nakalaan para sa mga magpapakita ng “moderate to severe” na mga sintomas. Sa kabilang banda, tatanggap pa rin sila ng mga pasyente na may emergency cases o iba pang uri ng karamdaman.