Designer, nagtahi ng mga face masks para sa mga health workers at frontliners




Imahe mula sa Facebook account ni Marc Soliven Ngan
  • Nanahi ng mga washable face masks ang isang fashion designer
  • Ipinamahagi niya ito nang libre sa mga health workers at frontliners
  • Umani naman ito ng mga positibong reaksyon at komento mula sa mga netizens

Sa pagtulong sa kapwa sa panahon ng pangangailangan, walang maliit o malaki. Magmula sa pera hanggang sa dasal, lahat ay maituturing na malaking tulong lalo pa’t kung ito ay taos sa puso at hindi labag sa kalooban. Kapit–bisig na malalagpasan ang unos. Lahat tayo ay maaaring magpaabot ng paglingap kahit sa simpleng paraan.

Katulad na lamang ng isang fashion designer na nagngangalang “Marc Soliven Ngan” na nanahi ng ilang libong washable face masks upang ipamahagi nang libre sa mga ospital, upang magamit ng mga health workers at frontliners na nangangalaga sa iba’t ibang mga pasyente, lalo na sa pagsugpo sa COVID–19, batay sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Marc Soliven Ngan

Ayon sa kaniyang caption, “Yahoo! Done with the first batch, 100 pcs in 6 hours, more to go! We will send this batch by batch to different hospitals within Greater Manila. Medyo mahina lang po kalaban, isa lang po mananahi, but we will make sure na mapabilis at maparami pa.”

Naipamahagi na nga ito sa mga ospitals at agad na nagpasalamat naman ang mga health workers na naabutan ng tinahing face masks ng fashion designer. Sa isa pang Facebook post ng designer, nagbanggit pa siya ng mga ospital na balak niyang bigyan ng mga libreng face masks na likha ng kaniyang malikhain, masipag, at mapagmalasakit na mga kamay.

“Non nobis solum nati sumus” (Not for ourselves alone are we born). Next in line: Fabella Hospital, Infant Jesus Hospital, East Avenue Hospital, Tondo Medical Hospital, UST Hospital, Gat Andres Medical Hospital, Heart Center of the Philippines, Lung Center of the Philippines. Done for today! Pero tuloy lang mananahi pa tayo. Laban lang!”

Umani naman ito ng positibong reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“So proud of my designer/friend Marc Soliven Ngan! Thanks for helping the frontliners. Thank you for always sharing your blessings,” sabi ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Marc Soliven Ngan

Papuri naman ng isa, “Ibabalik po iyan sa inyo ng Panginoon, siksik, liglig at umaapaw… maraming salamat po!”

“Kudos to this man, Marc Soliven Ngan for having a big heart and using his talent and resources to help out. BTW, he makes one of the best suits in the Philippines!” turan naman ng isa.

Kudos sa iyo, Sir Marc! Nawa ay pamarisan ka ng iba! Sa panahon ng pangangailangan, kabutihan ang ating kailangan!