DepEd, nagbigay ng “daily routine” kung paano gagamitin ng mga mag–aaral ang oras habang quarantine




Public Domain Image
  • Nagbigay ng tips ang DepEd kung paano magkakaroon ng “daily routine” ang mga mag–aaral sa panahon ng quarantine period
  • Nilagyan pa nila ito ng time allotment upang mas maging klaro
  • Hinikayat naman ang mga magulang na gamitin ang pagkakataong ito upang turuan ang kanilang mga anak ng mga aralin o mga gawaing–bahay

Sa pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng suspensyon ng mga klase mula Marso 10 hanggang Abril 14 (o maaari pang madagdagan) at pagsasailalim sa buong Luzon sa Enhanced Community Quarantine, lubhang naapektuhan ang daloy ng pag–aaral sa mga huling buwan ng taong panuruan.

Kaya naman, nagbigay ng tips sa kanilang Facebook page ang Department of Education o DepEd sa mga mag–aaral kung paano gagamitin nang produktibo at epektibo ang kanilang mga oras habang sila ay nasa kani–kanilang mga tahanan at sumusunod sa direktiba ng pamahalaan. Tinawag nila itong “Adventure Time Bahay Edition”.

Imahe mula sa Facebook page ng DepEd

Ayon sa caption, “May daily routine na ba kayo? Kung wala pa, adventure time muna tayo sa loob ng bahay! G? G!” Mapapansin sa larawan na nilagyan nila ito ng time allotment upang makasunod maging ang mga nasa elementarya. Ginawa nilang simple ang paglalarawan.

Ilan sa mga maaaring gawin ay pagtulong sa mga gawaing–bahay, pag–aaral at pagbabasa ng mga aralin, pagpapalakas ng resistensiya gaya ng pag–eehersisyo at pagsisiesta, paliligo, at syempre, paglilibang. Hindi rin dapat kalimutan ang pagdarasal at pagliligpit sa higaan.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

“Ito sundin natin… hindi yung panay kain, tapos iisip ng makakain, tapos manunungkit ng mangga…hahaha,” pabirong sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Sana all may time sa lahat ng iyan. Kami kasi puro online activities at walang tulog eh. Parents, please guide your children especially yung mga maliliit. Huwag puro gadgets. Lalabo ang mga mata ng mga bagets.”

Public Domain Image

“I hope it can be modified with family prayers in the evening after dinner,” payo naman ng isa.

Dahil sa enhanced community quarantine na ipinatutupad ngayon sa buong Luzon, marami sa mga paaralan ang nagsagawa ng mga online classes o nagbigay na lamang ng mga online activities sa mga mag–aaral upang may mapaghugutan ng requirements para sa pag–compute ng grades ng mga mag–aaral.

Para naman sa mga magulang, ito na ang tamang panahon upang magkaroon ng bonding sa mga anak sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng mga aralin, o kaya naman ay pagtuturo sa kanila ng mga gawaing–bahay.