Catriona Gray, may makabuluhang karanasan sa Women 2020 Entrepreneurship Summit




Mga imahe mula sa Facebook page ni Catriona Gray
  • Isa sa mga panel ng Women 2020 Entrepreneurship Summit si Miss Universe 2018 Catriona Gray
  • Bukod sa ibinahaging kaalaman, marami ring natutunan si Catriona mula sa iba’t ibang indibidwal na dumalo sa summit
  • Ang summit ay taunang inilulunsad ng Go Negosyo tuwing Marso o Buwan ng Kababaihan

Sa buwang ito ay ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Kababaihan at bilang pagtataguyod sa mga kababaihang Pilipino, inilunsad ng Go Negosyo ang Women 2020 Entrepreneurship Summit noong Marso 3, 2020 sa Pasay City.

Dito nagtipon-tipon ang mga kababaihang Pilipino mula sa iba’t ibang larangan upang magbahagi ng kanilang mga kaalaman sa isang makabuluhang talakayan.

Imahe mula sa Facebook page ni Catriona Gray

Isa sa mga panel nito ay si Miss Universe 2018 Catriona Gray na nagpahayag ng kaniyang kagalakan dahil nakasama niya sina Boy Abunda at Charo Santos sa pagbabahagi ng kaalaman.

“Leaving a legacy. Learnt so much in my Let’s Go Negosyo panel kanina with Boy Abunda and Charo Santos,” saad ni Catriona sa isang Instagram post.

Naniniwala ang dalaga na may mahalagang papel sa ating buhay ang mga kinikilala nating mentor o iyong mga taong mahusay at pinagkakatiwalaan nating tagapayo.

“Mentors play such an integral role to the pursuit of ones dreams and I feel honored to be included in a roster of such established, accomplished and hardworking individuals,” paliwanag ni Catriona.

Bukod sa mga kilalang tao sa industriya, marami ring indibidwal ang lumahok sa summit upang ipakita ang natatangi nilang likhang sining na maaaring gamitin sa pagnenegosyo.

Kabilang na rito ang mga katutubong manghahabi ng tela na siya namang ipinagmalaki ni Catriona.

“Sila po ang truest example of Living a Legacy, our National Living Treasures; our weavers. Such an honor to meet them! I hope that by celebrating our Filipino crafts we can do our part in preserving the tradition for our future generations,” ayon pa kay Catriona na isa ring arts ambassador.

Imahe mula sa Facebook page ni Catriona Gray

Kilala ang Go Negosyo sa paglulunsad ng mga makabuluhang programa na nagtataguyod sa maliliit na negosyo at sa mga nagsisimulang negosyante.

Naniniwala ang Go Negosyo na kung matututo ang mga Pilipino na magnegosyo—sa maliit mang paraan—ay makatutulong ito upang malabanan ang kahirapan.