Baguio Veterinary Office, namigay ng seedlings para magkaroon ng ‘survival garden’ ang bawat pamilya sa lungsod




Larawan mula sa Baguio Veterinary Office
  • Namigay ang pamahalaang lokal ng Baguio City ng mga buto sa kanilang residente
  • Nais nilang magkaroon ng survival garden ang kanilang mga mamamayan para sa mga panahong tulad ng ECQ
  • Maraming mamamayan naman mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang natuwa sa proyektong ito

Ngayong nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang buong bansa, suliranin ng maraming pamilya ang pagkukuhanan ng pagkain. Dahil dito, itinalaga ng national government ang mga lokal na pamahalaan na magpamigay ng suplay ng pagkain para sa isang buwan na sakop ng quarantine.

Marami naman ang sumunod na LGUs sa utos na ito ng gobyerno, ngunit mayroon ding ilang alkalde at mga kapitan na hindi pa rin nakasusunod. Ngunit ang Lungsod ng Baguio ay ‘advance’ mag-isip dahil hindi sila nagkasya sa mga relief goods lamang. Nagpamahagi rin kasi sila ng tulong na maaaring mapakinabangan sa mas mahabang panahon.

Larawan mula sa Baguio Veterinary Office

Ibinahagi ng Facebook page ng Baguio City Veterinary Office- Agricultural Services Division ang kanilang bagong proyekto kung saan nagpapamigay sila ng repacked vegetable seeds para sa mga barangay at paghikayat sa mga residente nila na maglagay ng survival gardens.

Nais ng pamahalaang lokal ng Baguio City na magkaroon ng pananim ang mga pamilya sa kanilang mga bakuran upang mayroon silang suplay ng pagkain sa panahon ng pangangailangan tulad ng ECQ. Mas makatutulong din ito upang makatipid ang bawat pamilya dahil nasa kanilang bakuran na lamang ang ilang mga gulay at rekado na kanilang kailangan.

Ayon sa post, ilan sa mga ipinamigay ay buto ng okra, talong, green shingkang pechay, hybrid spinach, pole beans, at bunching onion. Agad namang nag-viral sa social media ang post na ito Baguio Veterinary Office. Umabot sa 3,300 reactions, 573 comments, at 12,000 shares ang magandang proyektong ito.

Marami namang netizens ang natuwa sa programang ito ng Baguio City government. Ayon sa kanila, matatawag na sustainable relief goods ang ipinamigay nilang buto dahil maliban sa mapakikinabangan ito sa matagal na panahon, matuturuan din nito ang mga residente ng kahalagahan ng pagtatanim.

Larawan mula sa Baguio Veterinary Office

Ayon pa sa ibang netizens, dapat daw ay gayahin ito ng iba pang LGUs dahil napakaraming benepisyo ng pagtatanim; hindi lamang bilang magandang mapagkuhanan ng makakain, kung hindi maganda rin ang epekto nito sa ating kalikasan.

Magandang ehemplo rin daw ang Baguio City sa ibang lungsod at lalawigan dahil malaking kabawasan din ito sa mga trabaho ng pamahalaan kapag mayroong ganitong sakuna. Hindi na rin mangangamba ang mga tao na walang makakain dahil mayroong sariling pananim na maaaring pitasin anumang oras.