Wish Ko Lang, magpapaalam na sa ere matapos ang halos 18 taon; papalitan ng bagong “sumbungan ng bayan”




Larawan mula sa GMA Network
  • Magwawakas na ang public affairs show na Wish Ko Lang matapos ang halos 18 taon
  • Papalitan ito ng ‘Ilaban Natin ‘Yan’ na magsisilbing bagong sumbungan ng bayan sa Kapuso Network
  • Si Vicky Morales pa rin ang magsisilbing host ng bagong show 

Sabi ng isang English na kasabihan, “all good things must come to an end.” At ito marahil na ang patutunayan ng public service show ng GMA Network na Wish Ko Lang dahil matapos ang halos 18 taon sa ere ay nakatakda na itong magpaalam ngayong Pebrero.

Isinasahimpapawid na ng Kapuso network ang teaser plug ng bagong programang pangungunahan ng Wish Ko Lang host na si Vicky Morales, ang Ilaban Natin ‘Yan. Sinabi na rin ang timeslot nito na mapapanood tuwing Sabado, 4 ng hapon, na naging kompirmasyon din ng pagwawaka na talaga ng pagiging “Fairy Godmother ng Bayan” ni Vicky.

Larawan mula sa GMA Network

Naging instant hit ang Wish Ko Lang nang ipalabas ito noong Hunyo 2002 sa GMA dahil sa ganda ng format ng show na nagbibigay ng tulong sa mga taong nararapat bigyan ng ayuda. Nabalot ng kontrobersya ang show nang umalis ang original host na si Bernadette Sembrano at lumipat sa katapat na programa.

Ngunit naibalik ang kinang nito sa pagdating ni Vicky na naging host hanggang sa kasalukuyan. Nag-iba ang format ng show at naging docu-drama kung saan matapos isalaysay ang kuwento ng kanilang subject ay dito nila ito bibigyan ng surpresa. Nagbalik sa original format ang show noong ika-17 taon nila sa ere.

At sa pagwawakas ng Wish Ko Lang, susubukan ng GMA na gumawa muli ng legasiya sa pamamagitan ng Ilaban Natin ‘Yan na ang layunin pa rin ay tumulong sa mga tao, sa ibang paraan. Tila tatapatan ng Kapuso network ang sikat na programa ni Raffy Tulfo dahil may halos katulad itong format.

Nakatakda nilang tulungan ang mga taong may suliranin sa kanilang kapuwa na isasadula ng mga batikang Kapuso stars. Matapos nito ay magbibigay ng payo ang mga eksperto upang mabigyang solusyon ang kanilang mga hinaharap na pr0blema.

Larawan mula sa GMA Network

Nakatakda rin silang dumayo sa iba’t ibang barangay gamit ang kanilang modern jeep na tatawaging Palaban Express. Dito ay diringgin daw nila ang mga bagay na nais isangguni ng mga mamamayan sa kanilang komunidad.

Ito na rin ang transformation ni Vicky bilang ‘Ate ng Bayan’ dahil siya na ang papagitna sa mga taong mayroong alitan at gagawin niya raw ang kanyang makakaya upang mapag-ayos ang magkabilang panig o matugunan ang isyu na idinulog sa kanilang programang nakatakdang mag-umpisa sa Pebrero 22.