Valentine’s Special? Pakwan na hugis puso, patok sa netizens




Imahe mula kay Lee Junio Gasid | Facebook
  • Kinaaliwan sa social media ang kakaibang hugis ng pakwan na matatagpuan sa Bani, Pangasinan
  • Kaiba sa kadalasang bilog at pahabang hugis nito, kapansin-pansin ang hugis puso na pakwan na tila hinulma para sa papalapit na Valentines Day
  • Tinawag naman na Pakwan Capital of the North ang bayan ng Bani sa Pangasinan dahil sa lasa at iba’t ibang uri ng pakwan na pino-produce sa bayan

Patok sa netizens ang kakaibang hugis ng pakwan na matatagpuan sa Pakwan Capital of the North o mas kilala bilang bayan ng Bani sa lalawigan ng Pangasinan.

Imahe mula kay Lee Junio Gasid | Facebook

Agaw-pansin ang prutas na nanggaling sa lugar dahil hindi ito tulad ng karaniwang pakwan na hugis bilog at pahaba.

Sa programang Amazing Earth ng GMA, ibinida ng Bani Farm Technician na si Jolly Calisaan ang iba’t ibang klase ng pakwan na matatagpuan sa kanilang bayan.

“Kaya tinawag na Pakwan Capital of the North ang Bani dahil po doon sa lasa ng pakwan namin dito. Kakaiba po,” sabi nito. “At saka yung balat niya makikita natin kapag galing po ng Bani, napakakinis po siya,” dagdag pa niya.

Kabilang sa mga uri ng pakwan na pinapatubo nila sa lugar ay ang Diana, Tiffany, Seminis, Dragon, China Baby, at ang tinatawag nilang Black Panther.

Sa pagdiriwang ng kanilang bayan ng Pakwan Festival ngayong taon, may bagong ibibidang produkto ang mga nagtatanim ng pakwan sa lugar tulad ni Jolly. Kabilang na nga rito ang kakaibang hugis ng pakwan na sinasadya nilang ihulma upang makisabay sa pagdiriwan ng Valentine’s Day.

“Ito ay simbolo ng matamis na pagmamahal ng mga taga-Bani,” ani Jolly matapos ipakita ang hugis pusong pakwan na ginagawa sa kanilang bayan.

Ayon sa kaniya, tumatagal ang paggawa nila ng hugis pusong pakwan ng dalawang linggo hanggang isang buwan.

Imahe mula sa Youtube video ng GMA Playground

Sinabi rin nito na hindi sila makagawa ng maraming suplay sa kasalukuyan dahil sa limitadong bilang ng kanilang hulmahan na mayroon ring kamahalan.

Iginiit ni jolly na hindi madali ang pag-aani ng prutas. Tulad umano ng pag-ibig, kinakailangang samahan ng sipag at tiyaga ang pag-aani ng pakwan.

Tara na at sumama tayo kay Dingdong sa Amazing Earth episode na ito!