Unang teleserye nina Marian at Gabby, bigatin ang cast; dating Kapamilya stars kasama sa show




Larawan mula sa Instagram account ni Gabby Concepcion at ng fans club ni Marian Rivera
  • Ipinakilala na ang cast ng bagong serye ni Marian Rivera sa GMA na First Yaya
  • Maliban kay Gabby Concepcion, ilang beteranong aktor pa ang makakasama sa serye
  • Balik-Kapuso rin sina Sandy Andolong at Pilar Pilapil para sa seryeng ito

Tuloy na tuloy na ang pagbabalik primetime ni Marian Rivera ngayong 2020. At tuloy na rin ang tambalan nila ni Gabby Concepcion matapos mapabalita noong Disyembre na sila ang nakatakdang magbida sa isang teleserye.

Kung noon ay magkahiwalay na meeting ang ginawa para kina Gabby at Marian, ngayon ay magkasama na silang humarap sa press, kabilang ang buong cast ng kanilang upcoming serye na First Yaya. Gaganap si Gabby bilang pangulo ng bansa habang si Marian naman ang magiging yaya ng mga anak ni Gabby sa show.

Larawan mula sa Instagram account ni Gabby Concepcion

Kasama rin nina Gabby at Marian ang dalawang beteranang aktres na nagbabalik sa Kapuso network. Muling gagawa ng serye si Pilar Pilapil sa GMA Network matapos ang mahigit sampung taon. Ito ang hudyat ng pagbabalik Kapuso niya matapos ang ilang proyekto sa ABS-CBN tulad ng Nang Ngumiti ang Langit, A Love To Last, Pangako Sa ‘Yo, Ina Kapatid Anak, at Lobo.

Mananatili rin sa GMA si Sandy Andolong ngayong 2020. Matatandaang naging bahagi si Sandy ng maraming Kapamilya shows tulad ng kanyang weekly sitcom na Home Sweetie Home at ang isang espesyal na role sa Pangako Sa ‘Yo.

Sasabak naman sa unang pagkakataon sa paggawa ng teleserye ang anak nina Carmina Villaroel at Zoren Legaspi na si Casey Legaspi. Bagama’t sumabak na ang kambal sa showbiz ilang taon na rin ang nakaraan, ay hindi pa sila nakagagawa ng drama project at puro lamang talk at variety show ang kinabilangan nila.

Una ring opisyal na teleserye ng Eat Bulaga Dabar-kid na si Baeby Baste ang First Yaya. Matapos ang ilang cameo roles, kabilang ang pagpasok niya sa The Gift ni Alden Richards, ito ang unang full-length series ng batang aktor.

Larawan mula sa Instagram account ng fans club ni Marian Rivera

Kasama rin sa cast sina Pancho Magno, Kelvin Miranda, Glenda Garcia, at Princess Aguilar. Wala pa namang inilalahad na play date ang nasabing series ngunit sinabi noon ni Marian na hindi sila pwedeng magsabay ni Dingdong ng paggawa ng teledrama para na rin sa kanilang mga anak.

Sa ngayon ay kaeere lamang ng Descendants of the Sun: The Philippine Adaptation kung saan bida si Dingdong Dantes kaya maaaring patapusin muna ito bago maipalabas ang First Yaya.