Tuloy ang musika: Rapper na si Loonie, balik na sa pagtatanghal matapos makalaya; lumabas sa FlipTop festival




Larawan mula sa Instagram account ni Loonie
  • Balik na sa pagtatanghal si Loonie matapos makalaya nitong Enero 2020
  • Napanood siyang muli na mag-rap sa FlipTop Festival na ginawa nitong unang linggo ng Pebrero
  • Iginiit ni Loonie na wala siyang sala at marami pang proyekto ang kanyang gagawin

Noong nakaraang taon, gumulat sa industriya ng rap music ang pagkakadakip sa rapper at FlipTop artist na si Marlon Peroramas o mas kilala bilang Loonie. May kinalaman sa hindi magandang bisy0 ang dahilan nang pagkakahuli kay Loonie.

At bago matapos ang Enero ng taong ito, nakalaya na si Loonie matapos magpiyansa ng P2 milyon. Habang dinidinig pa ang reklamo laban sa rapper, napagdesisyunan na nitong bumalik sa larangan kung saan siya nakilala—ang pagra-rap.

Larawan mula sa Instagram account ni Loonie

Sa nakaraang FlipTop festival na ginawa nitong unang linggo ng Pebrero, muling ipinarinig ni Loonie sa kanyang mga tagahanga ang kanyang tinig. Surpresa siyang naging guest ng ikalawang araw ng rap event.

Nagsimula ang paglabas ni Loonie sa pagpapakilala ng rapper na si Anygma. Nag-speech ito nang sandali at bigla na lamang mayroong nag-play sa screen na isang tribute bago tuluyang sumampang muli sa entablado si Loonie.

Habang sumisigaw ng ‘Loonie’ ang kanyang mga fans, inumpisahan ng rapper ang kanyang pagbabalik sa pagtatanghal sa isang pasasalamat sa mga taong naniniwala sa kanyang hanggang ngayon sa kabila ng mga kontrobersyang kinahaharap niya.

Inilahad rin niya na habang nasa loob raw siya ng Makati City Jail ay hindi siya tumigil sa pagmamahal sa kanyang pinakamamahal na musika. Sa katunayan, nakasulat pa nga raw siya ng isang awitin at nakahanda para i-record.

Iginiit din ni Loonie sa kanyang naging talumpati bago siya umawit na kahit tanggap niya ang naging karanasan niya sa piitan ay naninindigan siya na wala siyang kasalanan at walang kinalaman sa mga ibinibintang sa kanya. Matapos nito ay inawit niya ang kanyang pinakatanyag na kantang Tao Lang.

Larawan mula sa Instagram account ni Loonie

Nagpatuloy ang pagpapaabot ni Loonie ng magagandang mensahe sa kanyang Instagram account. Ipinahayag niya rin na napakasarap sa pakiramdam na muling makapagtanghal sa harap ng mga nagmamahal sa kanya at sinabing marami pang nakahandang proyekto para sa kanya.

“Maligayang isang dekada sa FlipTop Batlles, maraming salamat sa lahat! Napakasarap sa pakiramdam ang magtanghal ulit para sa inyo. Abangan ang mga susunod na hakbang. Abante lang,” pahayag ni Loonie sa kanyang post.