Tayo nang muli sa Antipolo! Transformation ng Hinulugang Taktak, pinahanga ang mga netizens




Larawan mula sa Facebook post ni Mayor Andeng Ynares
  • Ipinasilip na ang mga bagong atraksyon sa National Park na Hinulugang Taktak sa Antipolo
  • Mayroon na ritong mga hanging bridge, rappelling, wall climbing, at iba pa
  • Ikinatuwa naman ito ng mga netizens dahil maibabalik na nito ang sigla ng turismo sa Hinulugang Taktak

Isa sa mga sikat na folk song na mayroon ang Pilipinas ay ang awiting Antipolo. Sa kanta, sinasabing masayang pumunta sa bayan ng Antipolo dahil masarap maligo sa isang sikat na talon at ilog doon, ang Hinulugang Taktak.

Hindi naman nagkamali ang nasabing awitin dahil naging isang pamosong tourist attraction ang nasabing talon. Itinanghal pa ito bilang National Park noong 1990 dahil sa angking ganda nito. Ngunit ilang taon ang lumipas ay napabayaan ito at nakaranas ng polusyon. Naging dahilan ito upang gawing isang Protected Landscape ang Hinulugang Taktak noong 2000.

Larawan mula sa Facebook post ni Mayor Andeng Ynares

Nagtulungan ang local government unit (LGU) ng Antipolo at lalawigan ng Rizal, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at ilang pribadong organisasyon upang maibalik muli ang ganda ng sikat na pasyalan.

At ngayong 2020, naisakatuparan na ang pagbabalik ng sigla at kaayusan sa Hinulugang Taktak. Buong dangal na ipinagmalaki ni Antipolo Mayor Andeng Ynares ang napakagandang transformation ng Hinulugang Taktak na lalong makapaghahatak ng mga turista.

Noong 2015 pa muling binuksan ang Hinulugang Taktak para sa mga turista. Sa katunayan, naglagay na raw sila ng elevator sa lugar para sa mga senior citizens at PWD. Marami ang humanga rito dahil sa kabila ng pagiging natural park nito ay ginamitan ito ng teknolohiya para sa ikagagaan ng mga turista.

Ngayong taon naman, marami na ring activities ang puwedeng gawin ng mga darayo sa Hinulugang Taktak. Mayroon na kasing exciting attractions tulad ng spider web, wall climbing, rappelling, at mga hanging bridge.

Larawan mula sa Facebook post ni Mayor Andeng Ynares

Maraming millennial netizens ang natuwa sa malaking transformation na ito ng isa sa pinakasikat na atraksiyon sa Antipolo. Ayon sa kanila, magiging “Instagrammable” na ang lugar at makapagbibigay pa sa kanila ng excitement tuwing dadalaw sa nasabing National Park. Umabot na nga sa 13,000 reactions, 5,500 comments, at 8,000 shares ang post ni Mayor Andeng.

Para naman sa mga nag-aalala sa kalidad ng tubig sa nasabing talon, inihayag ng Mayor na nakahanay na ang proyekto ng LGU at Manila Water na maglagay ng maayos na Sewerage Treatment Plant (STP) na nagkakahalaga ng 200 million na ipatutupad raw sa 2022.