SOP days: Reunion nina Jona, Aicelle Santos, at Maricris Garcia aka ‘La Diva,’ trending sa social media




Larawan mula sa Instagram account ni Maricris Garcia at GMA Network
  • Nag-reunion ang Kapuso trio biriteras na La Diva para kay Lovely Embuscado
  • Kinabibilangan ito nina Jona, Maricris Garcia, at Aicelle Santos na may solo careers na ngayon
  • Trending na ngayon sa social media ang video ng kanilang naging performance

Matindi ang tapatan noon ng mga musical variety shows na ASAP at SOP. Linggo-linggo ay inaabangan ng viewers ang matinding biritan at bosesan ng kani-kanilang resident singers, maging ang mga dance performances na talaga namang trending na noon kahit wala pang social media.

Ngunit ilang taon matapos mamaalam sa ere ang SOP, na sinundan ng Party Pilipinas at Sunday All Stars, nagkahiwa-hiwalay na ng landas ang isa sa pinakahinahangaang musical trio sa kasaysayan ng Pilipinas—ang La Diva.

Larawan mula sa Instagram account ni Maricris Garcia

 

Nasa ABS-CBN na ngayon si Jona, na dati ay Jonalyn Viray, habang nananatili namang Kapuso sina Aicelle Santos at Maricris Garcia. Matagal nang hiling kanilang fans ang makapag-reunion silang tatlo sa iisang entablado na ngayong 2020 lamang natupad.

Sa ginawang benefit show para sa kasamahan nila noon sa show na si Lovely Embuscado, muling nag-perform nang magkakasama sina Jona, Aicelle, at Maricris. Trending agad ngayon sa social media ang kanilang naging performance kung saan inawit nila ang classic rendition nila ng Angels Brought Me Here.

In-upload ng netizen na si Abner Dominguez sa kanyang Facebook account ang video ng performance ng La Diva.

Naging emosyonal daw siya na muling makita ang tatlong idolo sa pagbirit na magkakasamang kumantang muli sa isang entablado. Habang isinusulat ang balitang ito, mayroon nang higit 32,000 likes, 3,100 comments, at 22,000 shares ang nasabing video.

Sa kanya namang Instagram account ay nag-upload rin si La Diva member Maricris ng video nilang tatlo. Ayon kay Maricris, isang katuparan ng kanyang mga pangarap ang muling makakanta kasama ang mga kaibigang sina Jona at Aicelle.

Larawan mula sa Instagram account ni Maricris Garcia

“La Diva Forever. Kagabi, natupad ang isa sa matagal ko nang pinapangarap, ang makakanta ulit kaming tatlo.. Thank you for this chance Jona and Aicelle, ang galing nyo!!! ANG GALING NATIN!!!” sabi ni Maricris sa kanyang post.

Feeling nostalgic naman, hindi lamang ang mga netizens, kung hindi ang mga dating kasama ng La Diva sa show. Napa-comment sina Kyla, Carla Abellana, Yasmine Kurdi, Rochelle Pangilinan, Bea Binene, at maging si Jaya na proud pang kinuhanan ng video ang buong performance.

Hirit ng mga fans, sana ay masundan pa ang performance na ito sa mas malaki pang entablado. Hiling nila ay isang full length concert para sa mga prima biritera ng kanilang henerasyon.

Panoorin ang reunion ng La Diva:

Naiyak ako super😭 La Diva Is Love❤

Posted by Abner Dominguez on Saturday, February 8, 2020