Simple pero healthy: Batang may baong nilagang kamote at galunggong sa eskwela, umantig sa mga netizen




Larawan mula sa Facebook page ng Radyo Bandera Sweet FM – Dumaguete
  • Umantig sa maraming netizens ang batang mayroong simpleng baon sa eskwela
  • Laman kasi ng lunch box niya ay nilagang kamote at paksiw na galunggong
  • Para sa ilang netizens, naging realiasayon sa kanila ang larawang ito ng mag-aaral

Para sa marami sa atin, isa sa nagiging motibasyon natin upang pumasok sa paaralan, lalo na noong kabataan natin, ay ang ating baon. Ang ating mga magulang ay gumagawa talaga ng kanilang paraan upang maibigay ang nais nating baon sa eskwela upang hindi tayo makaranas ng gut0m at maging aktibo sa mga oras na tayo ay nasa eskwela.

Ngunit para sa iba, ang pagkakaroon ng baon sa eskwela ay isang malaking bagay na. May ilang pumapasok na walang baon habang ang iba naman ay kung ano lamang ang makayanan ng mga magulang.

Larawan mula sa Facebook page ng Radyo Bandera Sweet FM – Dumaguete

Ganito ang kuwento ng in-upload na larawan ng Facebook page ng Radyo Bandera Sweet FM – Dumaguete. Makikita ang isang batang babae na ang laman ng lunch box ay mga pagkaing hindi ordinaryong ibinabaon sa eskwela. Nasa loob ng kanyang baunan ay ang ilang pirasong nilagang kamote at paksiw na galunggong.

Dahil hindi ganoon kaluwag ang pamumuhay sa mga probinsya, madalas na baon nila sa eskwela ay ang mga bagay na mayroon sa paligid nila tulad ng kanilang pananim. Ganito rin ang bata sa larawan dahil sagana ang mga lalawigan sa bansa sa mga pananim tulad ng kamote. Ito na rin ang nagsisilbi nilang kanin kaya mayroon siyang isdang ulam.

Agad na nag-viral sa Facebook ang larawang ito ng batang babae. Mayroon na itong higit 1,500 reactions, 300 comments, at 4,700 shares ilang araw matapos ibahagi. Maraming netizen naman ang nagbigay ng kani-kanilang opinyon tungkol sa larawan.

Sabi ng ilan, naka-relate daw sila sa batang babae dahil minsan na rin umano silang nakapagbaon ng ganitong klaseng pagkain sa eskwela. Sariwa pa raw sa kanilang alaala ang panahong halos wala silang maibaon sa eskwela na naging motibasyon daw nila upang magsumikap at maging maayos ang pamumuhay sa ngayon.

Larawan mula sa Facebook page ng Radyo Bandera Sweet FM – Dumaguete

Pahayag naman ng ilan, kahit na simple lamang ang baon ng bata sa larawan, di hamak naman daw na mas masustansya ito kaysa sa mga ipinapabaon ng mga magulang na may pera sa kanilang anak. Madalas daw kasi ay processed food ang baon ng mga bata ngayon na hindi maganda sa kalusugan.

Para naman sa ilan, kahit simple lamang ang baon ng bata, maituturing pa rin itong biyaya dahil may mga bata raw na wala talagang baon sa pagpasok. Marami namang napagtanto ang ilang netizen na sila nga ay may nakakaing masarap araw-araw ngunit nakukuha pang magreklamo.