Pilita Corrales, pinagalitan ang apong si Janine Gutierrez dahil sa komento sa pagbabalik-showbiz ni Bong Revilla




Larawan mula sa Instagram account ni Janine Gutierrez
  • Inihayag ni Pilita Corrales na napagalitan niya ang apong si Janine Gutierrez
  • Ito ay dahil sa naging komento ng apo sa pagbabalik-showbiz ni Bong Revilla
  • Tinanggap naman daw ni Janine ang sermon sa kanya ng lolang si Pilita

Noong Disyembre, naging matunog ang pangalan ni Janine Gutierrez nang magkomento siya sa nakatakdang pagbabalik-showbiz ng senador at action star na si Bong Revilla. Sa kanyang social media account, ni-repost ni Janine ang teaser plug at nilagyan ng caption na “Oh God, di ko kaya besh.”

Umani ito ng iba’t ibang reaksiyon. Isa sa mga nag-react ay ang kolumnista at malapit na kaibigan ni Bong na si Manay Lolit. Nagparating siya ng mensahe kay Janine bilang hindi umano paggalang sa beteranong aktor na susubukan muling tahakin ang showbiz na naging tahanan nito sa loob ng maraming taon.

Larawan mula sa Instagram account ni Janine Gutierrez

At sa pag-guest ng lola ni Janine na si Pilita Corrales sa show ni Lolit Solis online, inilahad ng Asia’s Queen of Songs na pinagsabihan niya ang apo sa komento nito patungkol kay Bong Revilla.

Ayon kay Pilita, sinabi niya sa kanyang apo na mali ang naging reaksiyon niya at tinanggap naman daw agad ito ng apo.

“I said ‘you’re wrong! You are wrong. When you are wrong, you’re wrong.’ Wala naman siyang… Ang sabi niya, ‘Yes, Mita, yes Mita,” bungad ni Pilita sa pag-guest sa Take It… na online show nina Lolit, Cristy Fermin, at Mr. Fu.

Sinabi rin ng beteranang singer na minsan daw ay mapus0k ang kanyang apo kaya nakapagbibitaw daw ito ng mga salita na nakasasama sa damdamin ng kapuwa. Napagsabihan niya rin daw si Janine na hindi dapat siya nagsasalita ng ganoon dahil pagmamataas daw ito sa kapuwa.

“Sometimes kasi she’s ano… Ang sabi ko, you don’t do that, you can’t say that. Who do you think you are? Sinabi ko talaga sa kanya na sometimes, you just open your mouth and you don’t know,” pagpapatuloy ni Pilita.

Larawan mula sa Instagram account ni Janine Gutierrez

Nag-react na rin si Bong sa naging komento ni Janine. Ayon sa kanya, mahal niya ang mga kasama sa industriya kaya wala siyang sama ng loob kanino man. Handa rin daw siyang i-guest ang Kapuso actress sa show niya lalo na’t nasa iisang network lang sila.

Nakatakdang magbalik-telebisyon si Bong matapos ang limang taon sa bilangguan. Mapapanood siya sa weekly series na Agimat ng Agila kung saan makakasama niya sina Sanya Lopez, Allen Dizon, at Roi Vinzon na ipalalabas na raw sa Marso.

Source :

Latest Chika, PEP