Nostalgia: Ano ang “kuwentong bangko” mo?




Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila/Public Domain Image
  • Nagpabalik sa nakaraan ng mga netizens ang larawan ng isang “bangko” sa Facebook page na Memories of Old Manila
  • Ayon sa netizen na nagbahagi nito, maraming kuwento ang bangkong iyon
  • Ang bangko ay isang uri ng mahabang upuang yari sa kahoy

Isa sa mga lumang kasangkapang ginagamit pa rin ng mga Pilipino, lalo na sa mga lalawigan, ang “bangko”. Ang bangko ay isang uri ng mahabang upuang yari sa kahoy. Tinatawag namang bangkito ang maliit na bersyon nito, na ginagamit sa mga gawaing panlupa o pansahig, tulad ng paglalaba.

Dahil sa Facebook post ng isang nagngangalang “Carlos Dave” sa page na “Memories of Old Manila”, maraming mga netizens ang tila nanumbalik sa nakaraan dahil sa kaakibat nitong larawan ng bangko.

Ayon sa kaniyang caption, “Maraming kwento ang bangko na ito. Isa ka rin ba na umupo rito? Mga katambay, ano ba ang atin?”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Nanariwa sa mga netizens ang kanilang mga “kuwentong bangko”. Ibinahagi nila ito.

“Iyan ang upuan namin noon… diyan ko inuupo ang tatlo kong kapatid tapos isa–isa kong pakakainin at susubuan. Masaya noong araw, simple lang ang buhay,” pagbabahagi ng isa.

Kuwento naman ng isa, “Sa tagiliran ng bahay namin ay may bangko kaming ganyan. Sabado ng gabi, kadalasan ay tambayan ng mga kaibigan ng mga kapatid kong lalaki. Tuwing umaga naman, diyan nagkukutuhan ang aking lola at ang mga kapatid kong babae. Minsan, nagpapabunot din sila ng uban. Those were the days.”

“Diyan kami umuupo noon habang nagsusungka kami. O kaya naman, nagdadama, nagkukuwentuhan ng kung ano-ano. Until now may dalawa pa kaming bangko na mas matanda pa kaysa sa akin. Hindi pa raw kami isinisilang eh bangko na iyon ng pamilya. 50 years old na ako ngayon, eh buong buo pa rin,” salaysay naman ng isa.

Public Domain Image

Turan naman ng isa, “This reminds me of my Lolo. I can imagine him sitting on a bangko, similar to this one while I was growing up in the 60’s. My Lolo is long gone, but the bangko still brings back tons of memory with my Lolo.”

“Growing up, that’s our dining chair made by my father. Being the youngest and smallest, I sat in the middle. So sweet memories,” saad naman ng isa.

Mag–ingat nga lamang sa pag–upo sa bangko sapagkat maaaring masalubsob, o pagpasok ng kaunti o munting piraso ng kahoy sa balat.

Ikaw, ano ang “kuwentong bangko” mo?

Source :

Facebook