Netizen sa kaniyang photoshoot sa Jomalig: “Isang islang puno ng hiwaga”




Imahe mula sa Facebook account ni Joey Japson
  • Itinampok ng isang netizen ang isla ng Jomalig
  • Tinawag niya itong “islang puno ng hiwaga”
  • Game din siyang nag–photoshoot sa napakagandang beach na kaniyang dinayo

Hindi maitatatwang napakaraming magagandang tanawing tunay na maipagmamalaki ang Pilipinas. Dahil ang Pilipinas ay isang arkipelago o kapuluan at napalilibutan ng mga karagatan, talaga namang dinarayo at binabalik–balikan ng mga lokal at dayuhang turista ang iba’t ibang beach upang makasagap ng “vitamin sea”. Kung mala–paraisong isla ang hanap mo, isa sa mga maaaring puntahan at tuklasin ang ganda ay ang Jomalig Island.

Itinampok ng isang netizen na nagngangalang “Joey Japson” sa kaniyang Facebook post ang kagandahan ng isla ng Jomalig na tinawag niyang “islang puno ng hiwaga”. Ginawan pa niya ito ng isang napakagandang tula upang ipahayag ang kaniyang kasiyahan sa naturang lugar.

Imahe mula sa Facebook account ni Joey Japson

Ayon sa kaniyang tula, “Isang isla na puno ng hiwaga. Dinala mo ako sa sinapupunan ng iyong angking ganda.
Ganda, na batbat ng hiwaga, batbat ng mga tanong. Oo mga tanong. Tanong kung bakit ako nag-iisa at hinahanap ka.

Sa pagpapatuloy, “Tinatanaw sa kawalan, sinusubukang alamin ang kasagutan sa bawat alon ng dagat, hinahanap sa mga pinong buhangin ang mga dahilan sa mga bawat katanungan at patuloy na nagtatanong. At ang tanging isinasagot lang nito sa akin ay ang salitang bakit?”

“Tinuruan ako ng islang ito na magpatuloy, sumaya at ipaunawa sa akin na tapos na. Dahil sa dulo ng islang ito, walang ikaw, walang tayo ngunit may ako,” huling saknong ng tula.

Nakatutuwa rin ang photoshoot ng netizen sa naturang beach. Talagang “umawra” siya gamit ang telang may kulay–bahaghari. Aniya, “Minsan ka lang sa isang lugar na pupuntahan mo. Ibigay mo na ang pinakamahusay mong kuha.”

Imahe mula sa Facebook account ni Joey Japson

Ang Jomalig (binibigkas ng hu.ma.lig) ay matatagpuan sa lalawigan ng Quezon. Sakop nito ang buong pulo na may katulad na pangalan. Ito ay may limang barangay: ang Bukal, Casuguran, Gango, Talisoy, at Apad.

Ano pang hinihintay mo sa summer? Isama na sa travel bucket list ang isla ng Jomalig, ang islang puno ng hiwaga!