NCCA, lumikha ng isang TV drama na tungkol sa tradisyon at kultura ng mga katutubo sa bansa




Larawan mula sa Facebook page ng NCCA
  • Lumikha ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ng una nilang TV drama
  • Ito ay pinamagatang Project: Destination na ipalalabas sa GMA News TV ngayong Pebrero
  • Ito ay kuwento na katatampukan ng mayamang kultura, pamumuhay, at tradisyon ng mga katutubo at pamilyang Pilipino

Matagal nang panawagan ng maraming manonood na sana ay magkaroon ng mga makabuluhang television show na sasalamin naman sa kultura at kasaysayan ng bansa. Bagaman nakagawa na ang GMA Network ng ilang seryeng batay sa kasaysayan, ngayong 2020, ipalalabas naman ang isang seryeng gawa mismo ng ating pamahalaan.

Nilikha ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang unan nilang drama series sa telebisyon na magpapakita ng makulay na kultura at tradisyon ng mga Pilipino, lalo na ang mga katutubo. Pinamagatan ang serye na Project: Destination na kinatatampukan ng mga kilala at baguhang pangalan sa larangan ng pag-arte.

Larawan mula sa Facebook page ng NCCA

Ipalalabas ngayong Pebrero sa GMA News TV tuwing Sabado ng hapon ang Project: Destination na pangungunahan nina Yul Servo, Angeli Bayani, Kate Valdez, Migo Adecer, at Royce Cabrera. Sa official poster ng nasabing serye, nakasuot ang cast ng tradisyonal na kasuotan ng mga Ifugao sa Cordillera.

Makikita rin sa iba’t ibang post sa social media ang paghahanda ng cast at ang kanilang taping. Kinuhanan pa ang mga eksena sa ilang bahagi ng Cordillera tulad ng Banaue. Ipinasilip din ni Kate Valdez sa kanyang official Facebook page ang mga larawan nila ni Migo na nasa Baguio kaugnay ng proyektong ito.

Ipinagmamalaki ng NCCA ang kanilang unang produced drama for TV na sinasabing tungkol din sa pagmamahal sa pamilya. Ang nasabing proyekto ay bahagi rin ng pagdiriwang ng bansa ng buwan ng sining ngayong Pebrero.

Larawan mula sa Facebook page ni Kate Valdez

Positibo naman ang komento ng mga netizen sa anunsiyong ito ng NCCA para sa kanilang malaking proyekto. Ayon sa kanila, magandang programa ito at kailangang-kailangan ito ng mga batang manonood. Mas mainam na raw ito kompara sa kung ano-anong tema na mayroon sa mga palabas ngayon.

Bago ang Project: Destination, nagpalabas na ang GMA ng mga epic serye na nagpapakita ng kasaysayan at kultura ng bansa. Ilan sa mga ito ay ang Amaya na pinangunahan ni Marian Rivera, Indio na pinagbidahan ni Bong Revilla, Sahaya ni Bianca Umali, at ang Ilustrado na tungkol kay Jose Rizal na ginampanan naman ni Alden Richards.