Mas maraming Pilipino, tintingnan daw ang talino kaysa hubog ng katawan, ayon sa isang survey




Larawan mula sa Pexels at SWS
  • Lumabas sa isang survey na mas tinitingnan daw ng mga Pilipino ang talino kaysa sa katawan ng isang tao
  • Mas marami din umanong lalaki ang mas masaya sa kanilang pag-ibig
  • Mas pinipili rin daw ng mga Pilipino na magkaroon ng magandang kalusugan kaysa relasyon at pera

Bawat isa sa atin ay mayroong nais na katangian ng magiging kapareha natin sa buhay. Ang mga katangiang ito ay nagiging dahilan upang mabuo ang dream partner ng marami sa atin. At lumalabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS), mas pinipili raw ng mga Pilipino ang matalinong kapareha kaysa sa mayroong magandang hubog ng katawan.

Inilabas ng SWS ang resulta ng ginawa nilang survey noong Disyembre sa 1,200 adults. Ayon sa nakalap nilang datos sa mga na-survey, 81 percent o 4 sa 5 mga ito ay mas nagkakagusto raw sa isang tao na mayroong angking katalinuhan kaysa sa hitsura ng katawan.

Larawan mula sa SWS

Sa mas detalyadong resulta ng survey, 83 percent ng mga kababaihan ang mas gusto raw ang isang tao na matalino habang 78 percent naman sa mga kalalakihan naman ang tumitingin sa ‘brains.’ Pero mayroon pa ring 19 percent ng mga Pilipino na nagkakagusto sa isang tao dahil sa hubog ng pangangatawan nito.

Lumabas din sa survey ng SWS na 54 percent ng mga Pilipino ay lubos na masaya sa pag-ibig na mayroon sila o higit kalahati sa kanilang mga naging respondent. Mayroon namang 32 percent na nagsabing pwede pa raw maging mas masaya ang kanilang l0ve life habang 14 percent naman ang nagsasabing ‘sana all’ dahil wala silang karelasyon ngayon.

Ayon din sa ginawang survey, mas maraming lalaki ang nakararamdam ng kasiyahan sa kanilang relasyon ngayon kumpara sa mga kababaihan. Nasa 60 percent ng mga lalaki ang masaya raw habang 49 percent lang ang nagpatunay ng masayang pag-ibig sa mga babaeng respondents.

Larawan mula sa Pexels

Pero kahit na marami ang naniniwala sa pag-ibig sa mga Pilipino, hindi naman ito ang lumabas na prayoridad ng ating mga kababayan. Ang magkaroon ng magandang kalusugan ang lumabas na pinakamahalaga sa mga respondent.

Mayroong 70 percent ang pumili sa magandang kalusugan kaysa sa pag-ibig at pera. Twenty three percent ng mga Pilipino lang daw ang naniniwalang pag-ibig ang makapagpapasaya sa kanila habang 7 porsyento lamang sa mga Pilipino ang nakikitang pera ang makapagpapaligaya sa kanila.