I-KMJS na ‘yan! Programa ni Jessica Soho, ‘di matinag-tinag ang TV ratings




Imahe mula sa Facebook page ng KMJS
  • Labinlimang taon nang umeere sa telebisyon ang programang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS)
  • Isa ito sa mga programa ng GMA 7 na patuloy na sinusubaybayan ng mga manonood
  • Ang programa ay hindi matinag-tinag sa pagiging No.1 nito sa TV ratings

Tuwing Linggo ng gabi, sa ganap na 8:30, halos sabay-sabay na pinapanood ng sambayanang Pilipino ang programang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS). Maging sa social media, trending lagi ang mga hashtag na pinalalaganap ng KMJS.

Imahe mula sa Facebook page ng KMJS

Sa loob ng labinlimang taon, nananatiling mataas ang ratings ng KMJS at ilang beses na ring nagpapalit-palit ng itatapat na programa ang kalabang istasyon. Halimbawa nito ang programang Rated K ni Korina Sanchez na ngayon ay hindi na itinapat ang timeslot sa KMJS. Mas pinaaga pa nga ang timeslot nito.

Samantala, kahit ang Gandang Gabi Vice (GGV) ni Vice Ganda at ang The Voice Teens: Season 2 na kinatatampukan ng mahuhusay na mang-aawit na sina Lea Salonga, Sarah Geronimo, Bamboo Mañalac, at Allan Pidena Lindo. ay hindi rin natalo ang KMJS.

Ayon sa report ng Pep, hindi natinag ang KMJS sa sanib-pwersa ng GGV at The Voice Teens. Sa naitalang TV ratings noong nakaraang Linggo, Pebrero 9, ay nanatiling No.1 ang KMJS.

Ayon umano sa National TV Ratings (Urban + Rural) ng Kantar Media, pumalo sa 23.9% ang The Voice Teens at 11.9% lamang ang GGV. Nakakuha naman ang KMJS ng 25.2%.

Bakit hindi madaig-daig ng kalaban ang KMJS?

Isa sa mga dahilan ay ang mahuhusay na research team ng programa. Kahit nag-viral na sa social media ang karaniwang itinatampok sa KMJS, may bago pa rin silang inihahain sa mga manonood.

Siyempre, iba ang nagagawa ng online campaign ng programa. Aktibo ang programa sa social media, tulad ng Facebook at Twitter.

Imahe mula sa Facebook page ng KMJS

Ang official Facebook page ng KMJS ay may mahigit na labing-tatlong milyong followers at mahigit walong daan libo na ang followers nito sa Twitter.

Higit sa lahat, ang host ng programa na si Jessica Soho ay isa sa mga iginagalang na newscaster sa Pilipinas. Ang kaniyang husay at mga karanasan bilang tagapagbalita ay lubos na hinahangaan ng kaniyang mga tagasuporta at mga tagasubaybay.

Source :

Pep