Hindi lang si Liza Soberano: Ogie Diaz, manager na rin ng radio personality na si Raffy Tulfo




Larawan mula sa Facebook account ni Ogie Diaz
  • Si Ogie Diaz na ang manager ng radio personality na si Raffy Tulfo
  • Inanunsiyo ito ni Ogie sa kanyang official Facebook account
  • Siya ang hahawak sa endorsements at promo campaigns pero labas siya sa trending radio program

Matapos ang nakaaaliw na one-on-one interview ng dalawang radio personalities na sina Ogie Diaz at Raffy Tulfo, isang magandang samahan ang nabuo mula sa dalawa. Ngayon ay hahawakan na rin ni Ogie ang career ng laging trending na si Raffy.

Masayang inanunsiyo ni Ogie sa kanyang Facebook account na siya na ang opisyal na handler at manager ni Idol Raffy para sa kanyang mga endorsements at promo campaigns. Ngunit paglilinaw ni Ogie, labas siya sa radio program na Raffy Tulfo in Action at mananatiling News 5 ang hahawak ng career ni Raffy dito.

Larawan mula sa Facebook account ni Ogie Diaz

“Ako na po ang manager/handler ni Idol ng Bayan Sir Raffy Tulfo for endorsements and other promo campaigns na need ang serbisyo ni Idol. Salamat po sa tiwala, sir Raffy,” pahayag ni Ogie sa kanyang trending post.

“Yung Raffy Tulfo in Action po ay sa kanyang magigiting na staff po, hindi po sa akin. Sa mga may reklam0 at gustong humingi ng tulong sa kanyang programa, diretso na lamang po kayo sa TV5 po at may pila naman po doon,” paglilinaw pa ni Ogie.

Inilahad niya na naging posible ang paghawak niya sa career ng pinakasikat na YouTuber ngayon na si Raffy dahil sa tulong ng kanyang mentor at mabuting kaibigan na si Cristy Fermin. Si Cristy din ang naging tulay ng trending interview ni Ogie kay Idol Raffy.

Nagbiro pa si Ogie na ngayong dikit na sila ni Raffy, kailangan na raw siyang bayaran ng mga nagkakautang sa kanya kung ayaw daw ng mga ito na mapanood ang kanilang mga sarili sa radio show na sumbungan ng bayan.

Larawan mula sa Facebook account ni Ogie Diaz

Nagpaabot naman ng pagbati ang mga fans at kaibigan ni Ogie sa kanyang bagong achievement. Sinakyan din nila ang biro ni Ogie na sila man din daw ay gusto nang ipa-Tulfo ang mga taong may pagkakautang sa kanila na hindi nagbabayad.

Bukod sa pagiging radio personality at comedian, kilala ring talent manager si Ogie. Ilan sa mga celebrity na hawak niya ay sina Liza Soberano, Hashtag Kid Yambao, Eric Fructuoso, at Dyosa Pockoh. Dati rin niyang talent si Vice Ganda.