Gandang Gabi Vice, last episode na sa Linggo; Idol ng masa Raffy Tulfo, special guest ni Vice Ganda




Larawan mula sa Facebook account ng Raffy Tulfo in Action
  • Kumpirmado na ang last episode ng comedy talk show ni Vice Ganda na Gandang Gabi Vice (GGV)
  • Ngunit kahit magwawakas na, bigatin naman ang guest ni Vice sa last episode
  • Makakakuwentuhan niya ang idol ng bayan na si Raffy Tulfo

Matapos ang halos siyam na taon sa ere ay nakatakda nang mamaalam ang late night comedy talk show ni Vice Ganda na Gandang Gabi Vice (GGV). Simula kasi nang maitapat ito sa comedy show din na The Boobay and Tekla Show (TBATS), ay naging matindi ang tapatan ng dalawang show.

Kamakailan din ay itinapat na ito sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ngunit hindi rin umubra. Kaya naman tuloy na ang pagwawakas nito sa Linggo, Pebrero 23. Pero mukhang  makukuha ng GGV ang huling halakhak dahil sa isang big time guest sa finale ng show.

Larawan mula sa Facebook account ng Raffy Tulfo in Action

Inilahad ng Facebook page ni Raffy Tulfo na Raffy Tulfo in Action na siya ang huling guest ni Vice sa GGV. Ibinahagi ni Raffy sa kanyang page ang mga larawan sa ginawang last taping day ng GGV kung saan kasama niya si Vice na binigyan pa niya ng “Tulfo and Chill” hoodie.

“Ang hindi manonood, matu-Tulfo,” pahayag ni Raffy sa imbitasyong nai-post ng GGV Twitter page. Gets na ng mga manonood ang linyang matu-Tulfo na nangangahulugang mapapanood siya sa show niyang laging trending sa social media na humaharap sa maraming suliranin ng ating mga kababayan.

Malaking dahilan ng pag-guest ni Raffy sa show ni Vice ay ang bagong manager nito na si Ogie Diaz na isa ring Kapamilya at dating manager din ni Vice Ganda. Nitong linggo lang din ay inilahad ni Ogie na siya ang manager ni Raffy; pwera ang mga bagay na may kinalaman sa radio show ng news personality.

Larawan mula sa Instagram account ng Raffy Tulfo in Action

Si Raffy na rin ang ikalawang Tulfo na magge-guest sa GGV. Noong 2012, bilang bahagi ng anniversary show ng GGV, ay nag-guest ang nakatatandang Tulfo na si Mon na naging kontrobersyal noon dahil sa insidenteng kinasangkutan nila nina Claudine Barretto at Raymart Santiago.

Sa mga fans ng phenomenal box office icon na si Vice, huwag mag-alala dahil matapos man ang GGV ay patuloy na magpapasaya ang komedyante sa mga Kapamilya fans. Show din kasi ni Vice ang ipapalit sa GGV na pinamagatang Everybody Sing!

Base sa trailer teaser nito, isang musical game show ang bagong show ni Vice Ganda na iikot sa iba’t ibang barangay upang ipamigay ang malalaking papremyo sa show. Ito rin ang magsisilbing unang game show ni Vice sa labas ng It’s Showtime.