DOLE, bibigyan daw ng ayuda, trabaho ang mga empleyado ng ABS-CBN na maaapektuhan kung sakaling mapasara ito




Larawan mula sa PTV at Wikipedia
  • Handa naman daw ang Department of Labor and Employment (DOLE) kung sakaling mapaso ang prangkisa ng ABS-CBN
  • Nakahanda na raw ang tulong ng DOLE sa mga empleyadong mawawalan ng trabaho
  • Mayroong bagong trabahong nakaabang at maaari din umanong magpautang ng puhunan sa 10,000 empleyado ng Kapamilya network 

Mainit na usapin ngayon ang nakatakdang pag-expire ng franchise ng broadcast giant na ABS-CBN sa darating na Marso. Patuloy ang panawagan ngayon ng mga artista, empleyado, at mga fans ng TV Network upang tutukan ng pamahalaan ang kanilang prangkisa bago ito tuluyang marepaso.

Ngunit kung maipasasara man daw ang ABS-CBN sa mga susunod na buwan, handa naman daw ang Department of Labor and Employment (DOLE) upang bigyan ng ayuda ang nasa 10,000 manggagawa ng network.

Larawan mula sa PTV

Sa isang pahayag, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello na kung anuman ang maging resulta ng pagdinig ng Kongreso at Korte Suprema tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN, magkakarroon naman daw ng ilang proyekto ang ahensiya para sa parehong regular at non-regular employees ng network.

Ayon kay Bello, magbibigay daw silang short-term financial assistance, magbubukas ng ilang minimum wage jobs, at iba pang livelihood assistance o pagpapahiram ng pera sa mga maaapektuhan. Sabi pa ni Bello, naging suliranin nila ito sa ahensiya dahil hindi biro ang numero ng mga mawawalan ng trabaho.

Gayunman, sinabi ng DOLE na malaking hamon man ito ay ginagawan naman nila ng paraan upang mabigyan pa rin ng trabaho ang mga empleyado ng ABS-CBN. Tinitingnan din umano ng DOLE ang posibilidad na baka kunin naman ng magiging bagong may-ari ng ABS-CBN kung sakaling mawala man ang prangkisa nito at mayroong mag-takeover ng kompanya.

“Assuming na ma-terminate ang prangkisa ng ABS-CBN, ang mangyayari siyempre may mga kukuha siguro, magkakaroon ng new owners, siguro naman ia-absorb nila (ibang media network) ang mga employees ng ABS. Hindi namin pwedeng pabayaan ang mga manggagawa. Bibigyan namin ng emergency employment ‘yan. Bibigyan namin sila ng trabaho,” sabi ni Bello sa isang pahayag.

Larawan mula sa Wikipedia

Maliban sa suliranin sa kanilang prangkisa, may kakaharapin ding reklamo ngayon ang Kapamilya network dahil sa inahaing quo warranto ni Solicitor General Jose Calida dahil lumabag daw sila sa ilang pamantayan ng National Telecommunications Commission (NTC) at iba pang reklamo patungkol sa network.

Patuloy din ang panawagan ng ilang celebrities, mula man sa ABS-CBN o GMA Network, upang tuluyang hindi mawala sa ere ang Kapamilya station.