Dimples Romana sa kanyang iconic role na Daniela Mondragon: “What a journey it has been for the two of us”




Larawan mula sa Instagram account ni Dimples Romana
  • Namaalam na si Dimples Romana sa kanyang iconic role na si Daniela Mondragon
  • Finale na kasi ng kanilang hit TV series na Kadenang Ginto na tumakbo nang mahigit isang taon
  • Maliban kay Dimples, maraming TV viewers din ang makaka-miss sa makulay na karakter ni Daniela

Sa ilang taon ng aktres, TV host, at parenting influencer na si Dimples Romana sa showbiz, hindi maitatanggi na ang role niya bilang Daniela Mondragon ang pinakatumatak sa mga manonood. Maliban kasi sa maraming nainis sa karakter na ito, marami din ang napangiti ni Daniela sa social media nang sumikat ang memes tungkol sa kanya.

At ngayong nagwakas na ang teleseryeng Kadenang Ginto, emosyonal si Dimples na nagpaalam sa kanyang ginagampanang karakter. Sa magkasunod na Instagram post, inilahad ng Kapamilya actress ang kanilang naging pagkakatulad ni Daniela at kung paano niya nadama ang pagganap sa trending na tauhan.

Larawan mula sa Instagram account ni Dimples Romana

Aniya, hindi niya malilimot ang kanilang journey ni Daniela dahil kasabay ng lahat ng ipinakita ng kanyang karakter, ang kabiguan, ang pag-aalala, paghihigant, at ang pakikipaglaban, ay kanyang tunay na nadama.

Binigyang-pugay niya rin ang makulay na pagkatao ni Daniela.

Sinabi ni Dimples, bagama’t kontrabida ang kanyang papel, nakita pa rin niya ang tunay na pagmamahal ni Daniela sa pamilya kaya naman nagawa niya ang lahat ng kamalditahan sa serye. Hindi rin daw maikakaila na isa ito sa pinakamalaking hamon sa pagiging aktres ni Dimples at masaya siyang tumatak naman sa mga manonood ang kanyang pagganap.

“What a journey it has been for us… It has been the most challenging journey I have been on, but also the most rewarding. We have played our part, Dani. You have been so generous to me. THANK YOU Dani. My family’s life will never be the same because of you. I’ll be forever grateful. And each time I see red, I’ll be reminded of you,” pahayag ni Dimples sa kanyang post.

Bumuhos naman ang papuri at pagmamahal ng mga netizens para kay Dimples, lalo na sa kanyang ginampanang papel. Ayon sa kanila, ngayon pa lamang ay mami-miss na nila ang mga paandar at pagtataray ni Daniela tuwing hapon sa Kapamilya Gold.

Larawan mula sa Instagram account ni Dimples Romana

Nakatanggap din si Dimples ng pagbati mula sa kanyang mga kasamahan sa show. Isa sa mga nagbigay ng papuri sa kanyang mahusay na pagganap ay ang aktor na si Adrian ‘Luis’ Alandy na gumanap na asawa niya sa serye.

“Congratulations on a job well done. Till the next one. You were perfect for Daniela. Such an honor to have acted with you and be your friend,” sabi ni Adrian.