Cute na liga: Basketball ng mga little persons laban sa mga bata, viral sa social media




Larawan mula Facebook post ni Joshua Miguel
  • Trending sa social media ang video ng mga little persons na masayang naglalaro ng basketball
  • Hindi lang ang husay nila sa paglalaro ang kinatuwaan ngunit pati ang pagpapakwela nila
  • Maraming netizens din ang humanga sa mga little persons na kayang magpasaya ng kanilang kapuwa

Mahilig talaga ang mga Pilipino sa larong basketball. Ebidensya riyan ang nagkalat na basketball court at basketball ring sa iba’t ibang kanto ng bansa. Karamihan pa sa mga ito ay ang mga residente lang mismo ang gumawa at naglagay, at ang iba nga ay half court pa na basta mayroon lamang malaruan.

At hindi lamang para sa matatangkad ang basketball. Maliban sa mga Pilipinong may likas na hindi katangkaran, game na game din na nakipagsabayan ang mga little persons sa isang ligang ginawa na nakuhanan ng video ng isang netizen.

Larawan mula Facebook post ni Joshua Miguel

Viral ngayon sa Facebook ang paglalaro ng basketball ng ilang little persons kontra sa mga kabataan. Mapapanood ito sa video na in-upload ni Joshua Miguel sa social media. Tulad ng mga liga sa barangay, dagsa ang mga manonood sa nasabing laro.

Napuno pa nga ng tawanan ang court dahil sa makulit na uri ng paglalaro ng mga little persons. Maikli lamang ang video at naipakita ang pag-free throw ng isa sa mga cute na basketball players. Dahil hindi niya maabot ang ring na may normal na taas, lumapit na siya sa ring upang ipasok ang bola.

Ngunit hindi pa rin ito sapat para makapasok ang bola sa ring. Bagkus, tumamang muli sa ulo ng little person ang bola na naging sanhi ng pagkatumba nito. Ngunit bago tumaas ang kilay, ayon sa ilang komento, kilala raw talagang komedyante ang mga ito kaya malamang ay sadya ang naganap sa video.

Pinatunayan naman ito ng mismong uploader na si Joshua. Nag-upload pa siya ng karugtong na video ng laro at sinabing talaga lang daw na mahilig magpatawa ang mga ito sa kabila ng kanilang kinahaharap na kakulangan sa tangkad.

Larawan mula Facebook post ni Joshua Miguel

Habang isinusulat ang balitang ito, mayroon nang higit sa 1.6 M views na ang nasabing video, kasama pa ang 88,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ halos 6,000 comments, at 101,000 shares. Nagpaabot din ng paghanga ang mga netizens sa mga little persons dahil sa kabila ng kanilang kondisyon ay hindi nila nalilimutan ang magkaroon ng sports at magpasaya ng kapuwa.

“Kudos sa inyo, mga kuya! Patunay kayo na wala sa height ang pagpapasaya ng kapuwa. Sana ay marami pa kayong mapasaya!” pahayag ng isang netizen.

Panoorin ang kakyutan ng mga bulilit na basketball players:

freethrow.mp4

Posted by Joshua Miguel on Saturday, February 8, 2020