Batang nagdarasal bago kainin ang kanyang simple pero masustansyang pagkain, umantig sa netizens




Larawan mula sa Facebook page na Bayan Ko at Pexels
  • Viral sa social media ang larawan ng isang batang nagdarasal bago kumain
  • Kahit simple lang ang kanyang pagkain, nagawa naman niyang magpasalamat sa Diyos
  • Umantig naman ito sa mga netizens at natuto sa larawan kahit hindi matukoy kung saang bansa ito galing

Maraming kuwento ang nagva-viral ngayon sa social media na nagsisilbing aral at inspirasyon sa mga netizens. Nariyan ang salaysay ng pagtulong ng iba’t ibang indibidwal sa kanilang kapuwa, ang mga alagang hayop na nagpapakita ng pagmamahal, at mga guro na nagbibigay ng kalinga sa kanyang mga estudyante.

Ngayon naman, isang larawan na nagtatampok ng isang batang nagpapasalamat sa Diyos para sa biyayang pagkain na natanggap niya. Nag-reupload ang Facebook page na Bayan Ko ng isang larawan kung saan makikita ang isang batang nagdarasal bago kumain.

Larawan mula sa Facebook page na Bayan Ko

Katabi niya ang isang plato ng simple niyang pagkain habang taimtim na nagdarasal. Nakapikit pa ang mata nito habang magkadaup ang mga kamay. Hindi matukoy kung saang bansa nagmula ang bata sa larawan dahil maraming pages at website na rin ang nagre-upload nito.

Gayunman, kuhang-kuha naman ng mga netizens ang mensahe ng larawan. Naantig sila rito at maraming napagtanto. Sabi nila, marami daw tayong biyayang napapalampas dahil marami tayong hinihiling sa Diyos. Nakalilimutan na raw nating magpasalamat sa mga maliliit ngunit makabuluhang biyaya na mayroon tayo tulad ng pagkain.

“Malaki man o maliit ang biyaya na ating natatanggap, dapat pa rin nating ipagpasalamat yan sa Diyos. Dahil mahalaga ay nakararaos pa rin tayo sa pang-araw-raw at iligtas sa anumang kapahamakan. Magtiwala lang tayo lagi sa kanya, at wag makakalimot. Di tayo pababayaan ni Lord,” ayon sa caption ng Bayan Ko.

Nag-viral ito sa social media at matapos lamang ng dalawang araw, umani na ito ng halos 2,000 reactions, 167 comments, at 536 shares. Nagpaabot din ng komento ang mga netizens tungkol sa larawan. Ayon sa ilan, nakaranas din daw sila noon ng katulad sa bata. Simple lang ang pagkain sa hapag ngunit hindi pa rin sila nakalimot sa Diyos.

Larawan mula sa Pexels

“Di ko malimutan ang ganyang larawan dahil naranasan din namin yang magkakapatid,” pahayag ng isang netizen na naka-relate sa larawan.

 Marami din sa mga nagkokomento ang labis na nagpapasalamat sa mga biyayang mayroon sila. Ang mga bagay na mayroon daw sila ngayon ay isang patunay na hindi tumitigil ang Maykapal sa pagbibigay sa kanila ng mga pagpapala.