Arci Muñoz, dumalo sa after party ng Oscars; naka-selfie ang ilang cast at ang direktor ng Best Picture na ‘Parasite’




Larawan mula sa Instagram account ni Arci Muñoz
  • Nakadaupang-palad ng aktres na si Arci Muñoz ang ilang cast at ang direktor ng Oscars best picture na ‘Parasite’
  • Nakausap niya raw ang isang main actor at  ang direktor sa wikang Korean pa
  • Marami namang local celebrities ang nainggit sa magandang experience na ito ni Arci

Sa isang bansang mahilig sa Korean music, drama, at movie, ipinagbunyi rin ng maraming Pilipino ang pagkakapanalo ng Korean film na ‘Parasite’ bilang Best Picture sa Oscars. Ito kasi ang kauna-unahang non-English speaking film na nanalo ng prestihiyosong award.

Ngunit kung ang karamihan sa mga Pilipino ay nagpaabot lamang ng pagbati sa pamamagitan ng social media, ang Kapamilya actress at certified K-Pop fan na si Arci Muñoz, personal na naipaabot ang kanyang papuri sa ilang cast at direktor ng ‘‘Parasite’

Larawan mula sa Instagram account ni Arci Muñoz

Dumalo si Arci sa awarding ng Oscars bilang isa sa mga audience. Ibinahagi niya ang kanyang larawan katabi ang standee ng pamosong Academy Awards trophy. Ngunit hindi natapos sa panonood ng awards night ang adventure ni Arci dahil dumalo rin siya sa after party nito.

Sa kanyang post, sinabi ni Arci na matapos ang awarding ay nagkaroon siya ng pagkakataon na saglit na makausap ang isa sa lead stars na si Kang Ho Song at nakausap pa raw niya ito sa wikang Korean. Sinabi raw niya sa actor na labis niyang hinangaan ang pelikula.

“I had greeted Mr. Kang Ho Song! Had a convo with him in Korean!! Oh was so glad I took my Korean class! Told him how much I l0ve the movie!!!” pahayag ni Arci sa kanyang post.

At matapos daw ang usapan nila ni Kang Ho Song, kinuha raw nito ang kamay niya at ipinakilala siya sa direktor ng Parasite na si Bong Joon-ho na labis na nagbigay ng kilig kay Arci.

Dahil sa kanyang mga nakaiinggit na larawan, hindi napigilang magkomento ng ilang celebrities sa post ni Arci. Ilan sa mga namangha ay sina JM De Guzman, Ryan Bang, Darren Espanto, Martin Nievera, Kalad Karen, at Arlene Muhlach.

Larawan mula sa Instagram account ni Arci Muñoz

Umabot naman sa higit 125,000 likes ang post na ito ni Arci. Kilala ang aktres na fan ng Korean music at Korean drama. Isa sa mga kinahuhumalingan niya ang boy group na BTS kung saan ipinagmalaki niya sa isang vlog ang kanyang mga BTS merch collection.

Nakilala rin ni Arci nang personal ang isa sa mga hinahangaan niyang aktres na si Michelle Rodriguez na napanood sa pelikulang “Fast and Furious.”