Alden Richards at Judy Ann Santos, pinarangalan ng Ani ng Dangal ng NCCA dahil sa kanilang international awards




Larawan mula sa Instagram account ni Alden Richards at Judy Ann Santos
  • Wagi ng Ani ng Dangal mula sa NCCA sina Alden Richards at Judy Ann Santos
  • Iginagawad ito sa mga personalidad na nagbigay ng karangalan sa bansa sa larangan ng sining
  • Iba pang 50 indibidwal at grupo ang kinilala ng NCCA upang makatanggap ng Ani ng Dangal award

Sa patuloy na pagdiriwang ng national arts month ngayong Pebrero, iginawad ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang kanilang taunang Ani ng Dangal awards sa 52 indibidwal at pangkat na nagbigay ng makabuluhang kontribusyon sa sining at kultura ng bansa.

Pinangunahan ng dalawang big stars ng Kapamilya at Kapuso network ang listahan ng mga naparangalan. Ang dating magkatapat sa primetime na sina Alden Richards at Judy Ann Santos ang ilan sa malalaking pangalan na ginawaran ng Ani ng Dangal. Ito ay bilang pagkilala na rin sa kani-kanilang naging parangal sa ilang international award giving bodies noong nakaraang taon.

Larawan mula sa Instagram account ni Alden Richards

Wagi si Alden noong Agosto 2019 ng Asian Star Prize award mula sa Seoul International Drama Awards. Kinikilala ng nasabing organisasyon ang mga personalidad na nagpakita ng kahusayan sa larangan ng telebisyon. Ito rin ang naging dahilan upang ibansag kay Alden ang ‘Asia’s Multimedia Star.’

Pinamangha rin ni Judy Ann ang mga hurado sa ginawang Cairo International Film Festival noong Nobyembre 2019 para sa kanyang pagganap sa pelikulang Mindanao. Siya lang naman ang ikalawang Pinay na nag-uwi ng Best Actress mula sa nasabing film fest, kahanay ng Superstar na si Nora Aunor. Ipinalabas rin ang Mindanao sa Metro Manila Film Festival na nagbigay din kay Juday ng best actress award.

Sa kanyang Instagram account ay nagpaabot ng pasasalamat si Alden. Kalakip ang larawang hawak niya ang malaking tropeyo mula sa NCCA, sinabi ni Alden na isang malaking karangalan ang maparangalan ng ahensiya at ng Malacañang.

“It’s an honor to receive one of these from NCCA and Malacañang. Thank you for this recognition. So timely that we are celebrating Arts month this Feb. Congratulations to all the recipients of the 12th Ani ng Dangal Awards!” pahayag ni Alden.

Larawan mula sa Instagram account ni Judy Ann Santos

Maliban sa dalawang mainstream actors, pinarangalan din ng NCCA ang iba pang dangal ng sining ng bansa sa larangan ng visual arts, dance, cinema,  literary arts, at iba pang mukha ng sining. Ginawa ang parangal sa Malacañang na dinaluhan din ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ilan sa mga nakatanggap ng parangal ay ang Mactan Cebu International Airport Terminal 2, Direk Jun Robles Lana, indie actress Angeli Bayani, veteran actor Dante Rivero, pelikulang Signal Rock, Bayanihan Dance Company, UP Los Baños Choral Ensemble, at Jesus Ramos Tejada.