Yassi Pressman, nag-post ng larawan nila ni Nadine Lustre; patunay daw na hindi ang kapatid niya ang rason ng hiwalayan ng Jadine




Larawan mula sa Instagram account nina Yassi at Issa Pressman
  • Nagsalita ang aktres na si Yassi Pressman para sa kapatid niyang si Issa na nasasangkot sa hiwalayan nina Nadine Lustre at James Reid
  • Nag-post siya ng bagong larawan nila ni Nadine at sinabing natatawa na lamang sila sa mga akusasyon ng netizens
  • Sinasabi kasing si Issa raw ang dahilan ng paghihiwalay nina James at Nadine na kumakalat ngayon online

Mainit na pinag-uusapan ngayon ang hiwalayan ng loveteam at naging tunay na magkasintahang sina Nadine Lustre at James Reid. Pagpasok pa lamang ng 2020 ay umugong na ang balitang hiwalay na sila hanggang kumpirmahin nila ito sa talk show ni Boy Abunda.

Bagaman sinabi ni Nadine na maayos ang hiwalayan nila ni James at nananatili silang magkaibigan, maugong pa rin sa ngayon lalo na sa social media, ang umano’y tunay na dahilan ng pagkakawatak ng Jadine.

Ang itinuturong dahilan ng ilang netizens ay ang kapatid umano ni Yassi Pressman na si Issa Pressman.

Larawan mula sa Instagram account ni Yassi Pressman

Kumakalat online ang diumano’y sweet moments nina James at Issa na ginagawa raw nila mismo kahit nasa paligid lamang si Nadine. At para tuldukan na ang isyu, mismong si Yassi na ang nagsalita para sa kanyang kapatid.

Sa isang Instagram post, sinabi ng Ang Probinsyano actress na ayaw na raw patulan ng kapatid niyang si Issa ang mga paratang ngunit bilang ate ay kinailangan na niyang magsalita dahil sa pambabatikos na natatamo nito.

Nag-post siya ng larawan nila ni Nadine nang magkasama kung saan makikitang natatawa si Yassi habang umaakto namang tila masakit ang ulo ni Nadine. Sabi ni Yassi, kuha lamang daw iyong larawan kagabi at pinagtatawanan na lang daw nila ang mga akusasyon ng netizens.

Patunay din umano ang larawan na maayos ang kanilang ugnayan at hindi sangkot ang kanyang kapatid sa hiwalayan ng mga kaibigan niyang sina James at Nadine, na pareho niyang kasama noon sa Viva Artist management.

“This was me and Nadz last night, watching how some of us become cruel over untrue statements. Initially, we all laughed how crazy the things that woke us up yesterday were, and then… they started getting out of hand, at di na tama,” sabi ni Yassi.

Larawan mula sa Instagram account ni Yassi Pressman

“Ayaw na po sana naming patulan but we decided to post something because cyber-bullying is not okay, it is never okay. Be careful with the words you say, and things you think are true on social media. They’re not always the truth,” dagdag pa ng aktres.

Sumagot naman si Nadine sa nasabing Instagram post ni Yassi. Sinabi nito na pareho niyang mahal ang magkapatid na Yassi at Issa at naka-tag pa ang kani-kanilang mga IG account sa nasabing comment.