Video na nagpapakita ng kalagayan ng mga kabayo sa Taal, labis na umantig sa netizens




Imahe mula sa Facebook video ni Dave Encarnacion | Facebook
  • Labis na ikinalungkot ng maraming netizens ang sinapit ng mga hayop na ilang araw naiwan ng kanilang mga amo sa isla ng Taal
  • Sa ibinahaging video ni Dave Encarnacion, makikita ang mga kabayong balot ng makakapal na abo at nakaranas ng matinding pamamaga ng mukha dahil sa pag-albur0to ng Bulkang Taal
  • Sinabi naman ng PAWS na mga residente na mismo ang gumawa ng paraan para mailigtas ang kanilang mga alagang kabayo at iba pang hayop na naiwan sa lugar

Matapos ang sunod-sunod na mensahe ng netizens tungkol sa kalagayan ng mga naiwang hayop malapit sa nag-aalbur0tong Bulkang Taal ay muling nagbalik ang ilang mga residente sa isla upang isalba ang maaari pang isalba sa kanilang mga alaga.

ICLICK ang imahe kung nais mapanood ang video ni Dave Encarnacion | Facebook

Sa Facebook, ibinahagi ni Dave Encarnacion ang kalunos-lunos na sinapit ng mga kabayong naiwan sa paanan ng Bulkang Taal. Aniya, “ang sakit ang bigat sa dibdib!!!! yun mga kabayo na naghahatid sa atin sa tuktuk ng bulkan sa pulo talisay batangas binalikan nila sobra nakakaawa paga mga muka sana mabuhay kayo at maligtas.”

Makikita sa video na in-upload ng netizen kung paano nabalot ng makapal na abo ang mga hayop na tila nanigas na sa kanilang kinatatayuan. Kapansin-pansin din na ang iba ay nakaranas na ng pamamaga ng mukha dulot ng ilang araw na pananatili sa lugar malapit sa nag-aalbur0tong bulkan.

Ilang araw na ring walang makain at mainom ang mga ito kaya naman karamihan sa mga hayop ay hindi na makagalaw at nanghihina na.

Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na 30 lamang mula sa 3000 na mga hayop ang naisalba ng mga residente pagbalik ng mga ito sa isla.

“30 out of 3000. The owners of the horses of Taal Island took action this morning when they heard the news that the Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) will no longer evacuate the horses and that animal rescuers were not being allowed to go to the island,” ayon sa PAWS.

I-click ang imahe para makita ang kabuuang post

Kuwento ng isang may-ari ng kabayo, “‘Wala naman maaasahan so kami na lang.”  Paisa-isa nilang isinakay sa bangka ang mga kabayo upang madala sa Balete.

Kamakailan ay nag-viral din ang post tungkol sa isang residente na bumalik sa Taal Island upang iligtas ang kaniyang kalabaw. Sa tulong ng mga kapuwa Batangueño ay naisakay ng may-ari sa bangka ang kaniyang kalabaw at nailayo sa peligr0ng dulot ng bulkan.

Marami naman ang pumuri sa may-ari at nagpasalamat dahil sa malasakit nito sa kaniyang kalabaw na naging katuwang niya sa paghahanapbuhay.

Imahe mula sa Philippine Animal Welfare Society | Facebook