Suyod na kalaban ng kuto sa iyong ulo, alaala ng kabataan mo




Imahe mula sa Facebook page ng Memories of Old Manila/Public Domain Image
  • Nagdulot ng nostalgia sa mga netizens ang larawan ng suyod na ibinahagi ng isang Facebook user
  • Ito ang nagsilbing kalaban at pamuksa sa mga kuto, kuyumad o lisa
  • Ang mga insektong ito ay namamahay sa mga buhok ng tao

Namroblema ka rin ba noon sa sangkaterbang lisa at kuto na nagpapakati sa iyong ulo?

Iyong tipong tuwing umaga o hapon, tatawagin ka ng iyong nanay o lola upang pahigain sa kaniyang kandungan, hahalukayin ang iyong buhok, at kapag nahagilap na ang “kaaway”, tiris dito, tiris doon? At ang nag–iisang kakampi at sandatang ginagamit—walang iba kundi ang mahiwagang suyod!

Imahe mula sa Facebook page ng Memories of Old Manila

Nagdulot ng nostalgia sa mga netizens ang Facebook post ng nagngangalang “Carlos Dave” sa Facebook page na “Memories of Old Manila” na nagpapakita ng larawan ng isang suyod. Nakatutuwa rin ang inilagay niyang caption dito.

Aniya, “Tumanda na lang po ako at ilang kuto na rin ang natanggal sa ulo ko. Ang problema, hindi ko pa rin alam ang nakasulat sa suyod. Mga ka–kuto ano po ba ibig sabihin nito?”

Naaliw naman ang mga netizens. Sinubukan ng ilan na bigyan ng interpretasyon ang nakasulat na characters sa gitna ng suyod. May ilan namang nagbahagi ng kanilang karanasan hinggil sa paggmit nito, at kung ilang kuto na ba ang naalis sa kanilang mga buhok sa pamamagitan ng suyod.

Ayon sa salaysay ng isa, “Ibig sabihin niyan… ‘ikaw suyod, tanggal kuto’ hahahaha. Naging kasangga namin iyan noong bata pa ako, lagi akong sinusuyuran ng nanay ko. Madugo lagi ang kuko ng thumb niya sa dami ng kutong natitiris niya.”

Public Domain Image

“Tagalog translation: ‘Hoy Kuto Magtago Ka Na!!!’ Hehehe. Iyan ang naging susi para mawala ang mga alaga ko sa ulo. Nakakadiri kaya. Bawat hibla yata ng buhok ko noon, namumutiktik sa lisa! Kaya tiniyaga talaga naming mawala. Naggugo pa ako ng gaas para mawala ang mga kuto,” kuwento naman ng isa.

Pagbabahagi naman ng isa, “Made in China… iyan po yung nakasulat diyan, pinabasa ko sa friend kong Malaysian. Hindi naman ako nagkakuto noong bata pa ako, awa ng Diyos, yung mga kapatid ko lang. Hindi naman ako nahawa hahaha.”

Ang kuto, kuyumad, kayumad o hanip ay isang uri ng maliit at walang pakpak na kulisap na nagsisilbing parasito sa katawan ng tao. Ito ay sumisipsip ng dugo bilang pagkain at ang babaeng kuto ay nangingitlog ng maliliit na puting itlog na tinatawag na lisa na mahirap tanggalin. Kadalasan silang namamahay sa ulo ng tao.

Ang suyod naman isang uri ng panuklay na naimbento umano sa bansang China. Ang maninipis at dikit–dikit na mga ngipin nito ang ginagamit upang mahuli ang mga kuto, kuyumad, o maging lisa mula sa hibla ng buhok o sa anit.

Relate much ka ba?