Sunod na Galaw o Walang Sabit: Ano ang shampoo commercial jingle na nagpasayaw sa iyo noon?




Larawan mula sa YouTube
  • Nauso noon ang mga dance steps at musikang handog ng mga commercial sa telebisyon
  • Ilan sa mga sumikat ay ang shampoo jingle ng brand na Rejoice na inawit naman ng mga sikat na personalidad
  • “Sunod sa Galaw” at “Walang Sabit” ang dalawa sa mga naipausong awitin ng shampoo brand na ito noong 2004 hanggang 2005

Maliban sa mga programa, marami ring mga commercial o advertisement na napanood sa telebisyon ang tumatak sa mga televiewers. Ilan sa mga ito ay mga commercial na mayroong nakaaaliw na kuwento o konsepto, habang ang iba naman ay mayroong kapupulutang aral o kinatatampukan ng paborito nating mga celebrity at iba pang personalidad.

Ngunit sa pagiging uso ng Pinoy novelty songs noong 2000s, naging bentahe rin ng iba’t ibang produkto ang paggawa ng kanilang commercial jingle na napapanood sa ilang television network. Dahil sa nakaiindak na mga jingle, sumikat ang mga ito at naging malaking bahagi ng mga kabataan noon.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Isa sa mga produktong nakalikha ng ilang klasikong awitin ay ang shampoo brand na Rejoice.

Noong 2004, una nilang nilabas ang awiting “Sunod sa Galaw” na inawit ng multi-talented sister act na JaBoom Twins. Marami ang na-LSS sa kanta ng kambal na patungkol sa kanilang buhok na dahil sa lambot ay sumusunod sa kanilang galaw.

Ngunit maliban sa mensahe ng kanta ay tumatak din ang dance steps nito na eksklusibong napanood lamang sa ABS-CBN. Naging dahilan din ito para lalong sumikat ang JaBoom Twins na unang nakilala sa noontime show na Magandang Tanghali Bayan (MTB).

Naging paboritong sayaw din ito ng mga mag-aaral noon sa mga intermission number sa kanilang school. Napanood rin ito sa mga music channel katulad ng MYX Philippines at nailabas pa sa isang dance album kasama ang iba pang sikat na dance and novelty songs.

Matapos ang matagumpay na paglalabas sa awiting Sunod na Galaw, isa pang awitin ang inilabas ng Rejoice na inawit naman ng Star Circle Quest alumna at KPop star na ngayong si Sandara Park.

Tinawag ang kanta na “Walang Sabit na tumutukoy naman sa malambot at hindi buhaghag na buhok na maaari ring ipakahulugan sa isang kaparehong walang sabit o anumang problemang makikita.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Agad ring sumikat ang awiting ito ni Sandara na napapanood rin sa kanyang home network na ABS-CBN. Katulad ng Sunod sa Galaw, nakapagpauso rin ang Walang Sabit ng isang dance step kung saan sinusuklay ng kamay ang buhok ng sumasayaw. Naging paborito rin itong sayawin ng mga estudyante at kabataan noon.

Sa mga naka-upload nga na YouTube videos ng dalawang shampoo jingles, maraming netizen ngayon ang pinakikinggan pa rin ang mga ito at nakapagbibigay sa kanila ng alaala ng kanilang kabataan. Karamihan sa kanila ang grade schoolers pa lamang nang mauso ang mga Rejoice jingles.