Reina Hispanoamericana 2019 pageant, tuloy na; pambato ng Pilipinas na si Katrina Llegado, nasa Bolivia na




Larawan mula sa Instagram account ng Miss World Philippines
  • Tuloy na ang Reina Hispanoamericana 2019 pageant sa darating na Pebrero 8
  • Patungong Bolivia na ang ating pambato na si Katrina Llegado
  • Nakansela ito noong Nobyembre dahil sa mga kaguluhan sa Bolivia gawa ng eleksiyon

Noong Nobyembre sana gagawin ang Reina Hispanoamericana 2019 pageant sa Bolivia na pinaghandaan na noon ng pambato ng Pilipinas na si Katrina Llegado. Nasa Bolivia na nga sana siya para ipamalas ang kanyang angking ganda at talento nang makansela ito dulot ng mga kaguluhang nagaganap noon sa nasabing bansa dahil sa eleksiyon.

At ilang buwan matapos ang paghihintay, tuloy na tuloy na ang pasiklaban ng mga binibini mula sa mga bansa sa Latin America at mga nasakop nilang bansa. Nakatakda nang ganapin ang Reina Hispanoamericana 2019 coronation night sa ika-8 ng Pebrero.

Larawan mula sa Instagram account ng Miss World Philippines

Sa kanyang Instagram account, ipinakita ni Katrina ang kanyang mga larawan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ang kanyang nakatakdang pagbiyahe pabalik ng Bolivia para tangkaing masungkit ang ikalawang korona para sa Pilipinas.

Hawak ang watawat ng Pilipinas, masayang nilisan ni Katrina ang bansa patungo sa Bolivia na mararating niya sa pamamagitan ng tatlong magkakaibang flights. Nagpasalamat din si Katrina sa suportang nakukuha niya mula sa mga Filipino fans at lumalabas sa mga unofficial polls ngayon na isa siya sa front runners ng pageant.

Ibinahagi rin ng Miss World Philippines Organization Instagram account ang mga larawan ni Katrina. Ayon sa caption, handang-handa na raw ang ating pambato noong nakaraang taon pa at gigil na raw itong maipamalas ang husay ng mga Pinay sa nasabing pageant.

“Are you ready, Bolivia? Here are some photos of our Reina Hispanoamericana Filipinas 2019 as she starts her journey to get our second crown. Fly high, Pinay,” sabi ng Miss World Philippines post.

Larawan mula sa Instagram account ng Miss World Philippines

Ito na ang ikatlong taon na sasali ang Pilipinas sa isang pageant na pinaglalabanan ng beauty queen powerhouse countries tulad ng Venezuela, Mexico, Colombia, USA, at Puerto Rico. Napasama ang Pilipinas sa pageant dahil sa 333 taon na pagkakasakop sa atin ng mga Kastila.

Sa unang beses na sumali ang Pilipinas sa naturang pageant, nasungkit agad ng Kapuso actress at performer na si Teresita Ssen ‘Winwyn’ Marquez ang korona.