Rachelle Ann Go mananatiling Kapuso; nakasama sa bagong Sunday musical show “All Out Sundays”




Larawan mula sa GMA Network YouTube video
  • Kumpirmadong mananatili sa Kapuso network ang International Theater Diva na si Rachelle Ann Go
  • Lumabas na siya sa Sunday musical comedy show na All Out Sundays (AOS)
  • Nakatakda rin siyang mapanood sa iba pang Kapuso shows kabilang ang Eat Bulaga kung saan siya nagsimula

Kahit limang na taon na mula nang maging isang international theater performer si Rachelle Ann Go, mananatili siya sa kanyang home network na GMA. Ngayong nasa bansa si Rachelle Ann bilang paghahanda sa kanyang homecoming Valentine concert, mapapanood siya sa iba’t ibang show sa Kapuso network.

At bilang patikim ng kanyang pagbabalik sa Kapuso network, opisyal nang winelcome si Rachelle Ann sa bagong Sunday musical show na All Out Sundays (AOS).

Sa pinakabagong episode ng AOS, unang nagtanghal si Rachelle sa 30-minute opening number ng show kasama ang iba pang renowned performers tulad ni Julie Anne San Jose.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ng GMA Network

Nakapanayam niya rin matapos ang opening number ang dati niyang nobyo at kapuwa Kapuso singer na si Christian Bautista at si Alden Richards na nakasama na rin ni Rachelle Ann sa dalawang defunct variety shows na Sunday All Stars at Party Pilipinas.

Mayroon ding ipinalabas na opening video kung saan ay makikita ang maikling speech ni Rachelle Ann sa kanyang pagbabalik sa GMA Network. Sabi niya, kahit daw nakarating na siya saan mang dako ng mundo, uuwi at uuwi pa rin daw siya sa kanyang tahanan kung saan siya naging si Rachelle Ann.

“Naranasan ko na ang lamig ng Amerika, o nakarating na ako sa iba’t ibang dako ng Europa, iisa lang ang tunay kong inuuwian… Dito ako naging Rachelle Ann,” sabi nito sa kanyang speech.

Nagkaroon din sila ng reunion production number nina Christian, at kapuwa West End performers na sina Aicelle Santos at Mark Bautista. Dito ay ipinamalas nila ang kanilang angking husay sa pagbirit katulad ng performances na minahal ng audience mula sa kanila.

Naglabas din ng video ang GMA Network sa YouTube sa muling pagtungtong ni Rachelle Ann sa kanilang istasyon. Sinalubong siya ng ilang network bosses at agad na dumiretso sa rehearsal ng AOS. Biro pa ni Rachelle Ann, pangamba niya raw ay baka maligaw na siya sa GMA dahil ngayon lamang siya makababalik.

Larawan mula sa GMA Network YouTube video

Nakilala rin ni Rachelle Ann ang mga bagong Kapuso stars na makakasama niya sa AOS tulad ng kambal na sina Mavy at Casey Legaspi, Kyline Alcantara, StarStruck alumni, Golden Cañedo, JD Domagoso, Gabbi Garcia, at marami pang iba.

Nakatakda ring lumabas si Rachelle Ann sa noontime show na Eat Bulaga kung saan una siyang sumali bilang Birit Baby.

Source :

YouTube, Facebook