“Putri Mahkota”: Kadenang Ginto, may Indonesian version na




Public Domain Image
  • May Indonesian version na ang hit teleseryeng “Kadenang Ginto”
  • “Putri Mahkota” ang pamagat nito na pinagbibidahan ng mga Indonesian actors na sina Mayang Yudittia at Sylvia Fully
  • Ito ang kauna-unahang teleseryeng Pilipino na nagkaroon ng adaptasyon sa Indonesian TV

Nalungkot ang mga tagahanga at tagasubaybay ng isa sa matatagumpay na mga pang–hapong teleserye ng ABS–CBN Kapamilya Network na “Kadenang Ginto” dahil malapit na itong magwakas sa ere matapos ang isang taon at mahigit na pamamayagpag.

Subalit inihayag sa Instagram post ng Dreamscape Entertainment noong Enero 14, 2020 na ang “Romina–Daniela Saga” ay muling magpapatuloy dahil may Indonesian version na ito. Ang Dreamscape Entertainment ay katuwang ng ABS–CBN sa paglikha ng mga de–kalibreng teleserye.

Imahe mula sa Instagarm account ng Dreamscape Entertainment

Ang Kadenang Ginto ay pinagbibidahan nina Beauty Gonzales bilang Romina at Dimples Romana bilang Daniela, idagdag pa ang mga teen stars na sina Francine Diaz bilang Cassie at Andrea Brillantes bilang Marga. Nagmarka sila sa mga Pilipino; patunay ang kaliwa’t kanang memes na nagtatampok sa kanila sa mga social media sites.

Ang Indonesian remake ng Kadenang Ginto na may pamagat na “Putri Mahkota” o nangangahulugang “Crown Princess” sa wikang Ingles, ay umere sa bansang Indonesia noong Enero 5, 2020 sa ilalim ng network na ANTV. Ito ang kauna–unahang teleseryeng Pilipino na nagkaroon ng adaptasyon sa Indonesian TV. Umeere ito sa primetime o evening block, sa ganap na 7:00 ng gabi.

Nagkomento naman ang mga masugid na tagahanga ng KG.

Sabi ng isa, “Congratulations Kadenang Ginto Team! World–class talaga ang mga gawang teleserye ng Kapamilya Network. I will surely miss KG sa hapon. My afternoon will never be the same, pero I’m still looking forward to watch the new shows.”

Imahe mula sa Instagarm account ng Dreamscape Entertainment

“I will miss you Romina and Daniela! Grabe, hindi ko namalayan na one year mahigit na pala ang KG. Mamimiss ko ang banggaan nina Romina and Daniela. Hopefully magsama pa rin sa isang project sina Beauty and Dimples, at ang mga bagets,” sabi naman ng isa.

Ang Putri Mahkota ay pinagbibidahan ng dalawang Indonesian actors na sina Mayang Yudittia at Sylvia Fully. Si Mayang ay gumaganap na “Aruna”, o katumbas ng karakter ni Beauty na si Romina, habang si Sylvia naman ay si “Rania”, katumbas ng karakter ni Dimples na si Daniela.

Nais mo bang sumilip sa trailer nito: