Portable griller, gamit ng isang vendor sa pagtitinda ng literal na bagong lutong hotdog sandwich




Imahe mula kay Ghel Gabriel | Facebook
  • Ibinida ni Ghel Gabriel ang isang vendor sa Makati na nagtitinda ng literal na bagong lutong hotdog sandwich
  • Kinagiliwan ng netizens ang gamit na portable griller ng vendor na isinasabit nito sa kaniyang balikat
  • Marami din ang humanga sa lalaki dahil kahit mukhang mabigat ang kaniyang dala ay nakangiti pa rin nitong  ibinebenta ang kaniyang paninda

Viral sa social media ang mga larawan ng isang vendor na may kakaibang gamit sa pagtitinda ng hotdog sandwich.

Imahe mula kay Ghel Gabriel | Facebook

Sa Facebook noong January 21, ibinahagi ng netizen na nagngangalang Ghel Gabriel ang larawan ng isang vendor na naglalako ng kaniyang paninda sa Makati.

“Iba ‘to ah. Astig ni kuya. Hotdog sandwich for P39 only and served hot,” pagbibida ng netizen.

Dadag nito, “Hindi ba mabigat yang dala mong yan? All out smile pa siya o. Salute!”

Kinagiliwan ng netizens ang effort ng lalaki dahil tila hindi nito iniinda ang bigat ng portable griller na nakasabit sa kaniyang balikat habang hinihintay na maubos ang kaniyang mga paninda.

Makikita rin sa mga larawan na nakangiting inaabot ng binata ang mga bagong lutong hotdog sandwich sa kaniyang mga customer.

Kinilala naman ang vendor na si Rainier Flores na naglalako ng kaniyang paninda sa harap ng SM Jazz Mall sa Makati.

Ayon pa sa pahayag ni Ghel sa comment section ng kaniyang post, bandang alas-6 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi nagtitinda si Rainer sa lugar.

Nagpahayag naman ang ilang netizens ng kanilang pagsaludo sa kasipagan ng vendor.

“Mukhang mabigat at mainit-init pa. Salute sa marangal na trabaho, bro,” sabi ni LT.

Imahe mula kay Ghel Gabriel | Facebook

“Kumikirot scolio ko sa dala mo, kuya. Hehe. Char. God bless and keep it up brother,” pahayag naman ni LMT matapos makita ang mga larawan ng vendor.

Sa kasalukyan ay mayroon nang higit 11,000 reactions at 9,500 shares ang post ni Ghel sa Facebook. Patunay lamang na maraming netizens ang bumilib sa sipag at tiyaga na ipinamamalas ng lalaki sa pagtitinda.