Piolo Pascual naiyak sa kaniyang birthday wish para sa mga kababayang Batangueño




Image capture mula sa video ng ABS CBN Entertainment/Public Domain Image
  • Naging emosyonal si Piolo Pascual sa kaniyang pagdiriwang ng kaarawan sa ASAP Natin ‘To
  • Nagbigay siya ng birthday wish para sa kaniyang mga kababayang Batangueño
  • Panawagan niyang patuloy na tulungan ang mga kababayang nasalanta upang malagpasan ang kalbaryong pinagdaraanan nila

Ipinagdiwang ni “Ultimate Heartthrob” Piolo Pascual ang kaniyang ika–43 taong kaarawan sa musical variety show na “ASAP Natin ‘To” nitong Linggo, Enero 26, 2020, kung saan naging emosyonal siya sa pagbibigay ng kaniyang birthday wish, hindi para sa kaniyang sarili, kundi para sa kaniyang mga kababayang Batangueño na nasalanta sa pagputok ng Bulkang Taal.

“Isa po akong Batangueño kaya nararamdaman ko yung paghihirap ng ating mga kababayan sa Batangas. Kaya po ako laging naroon kasi it’s one thing to help but it’s also another thing to see how they are suffering, to see how their lives have changed because of what happened,” turan ni Papa P, habang katabi ang mga co–host ng ASAP na sina Popstar Royalty Sarah Geronimo at Asia’s Songbird Regine Velasquez–Alcasid.

Image capture mula sa video ng ABS–CBN Entertainment

Dagdag pa niya, “Wala pong may gusto nito. Kung meron man akong dasal, kung meron man akong gustong sabihin is, let’s just share love. Ipakita natin not just through giving but through praying for them, through being with them,” panawagan ng aktor.

Hinarana ni Papa P ang kaniyang mga tagahanga at tagasubaybay, gayundin ang mga kababayang Batagueño ng awiting “I Will Be Here” kasama ang Philippine Madrigal singers. Pag–amin niya, nag–alangan siyang magdiwang ng kaarawan sa naturang show dahil sa mga nangyayari, subalit hinimok siya ng kanilang boss dahil matagal na niya itong ginagawa sa loob ng halos 20 taon.

Samantala, hindi naman kinaya ni Regine ang pagiging emosyonal ni Papa P. “Hindi kinakaya ng heart ko!” nasabi na lamang ng Asia’s Songbird.

Sa huli, pinasalamatan ni Piolo ang kaniyang mga tagahanga, tagasubaybay, mga boss, at kasamahan sa ASAP.

Samantala, tuluyan nang ibinaba sa Alert Level 3 ang estado ng Bulkang Taal, at pinayagan na ring magsibalik sa kani–kanilang mga tahanan ang mga residente sa ilang mga piling bayan sa Batangas.

Panoorin ang buong video ng birthday celebration ni Piolo Pascual via ABS–CBN Entertainment:

Imahe mula sa ABS–CBN Entertainment