Pendong Peace! Ginawa mo rin ang tapikin ang ulo ng kalaro mo kapag may nakita kayong ‘kotseng kuba?’




Larawan mula sa Flickr at Pexels
  • Isa sa mga kakaibang laro ng mga bata noon ay ang pendong peace o peace kotseng kuba
  • Ito ay ang pagtapik sa ulo kapag mayroong nakikitang kotseng kuba o Volkswagen Beetle
  • Iba-iba naman ang berisyon ng ilang kabataan sa larong ito dahil may ilan na ginagawa ito kapag may kalbo o eroplano

Bilang mga paslit, mayroon tayong mga laro na kakaiba man para sa mga mata ng nakakatanda, ay isang aktibidad na nakapagbibigay ng aliw sa atin. Ang mga gawaing ito ay marahil ikinahihiya mo na at tinatawanan na lang ang mga larong ito ngunit nakapagbibigay sa iyo ng ngiti at kakaibang saya kapag naaalala mo.

Isa na rito ay ang unahan sa pagtapik sa ulo kapag mayroong nakikitang Volkswagen Beetle 1 o mas kilala sa Pilipinas na ‘kotseng kuba.’ Kasabay ng pagtapik sa ulo ng kaibigan habang naka-peace sign ang iyong kamay ay pagsigaw ng “pendong peace” o “peace kotseng kuba.”

Larawan mula sa Flickr

Sikat kasi noon ang mga ganitong sasakyan. Tinawag itong kosteng kuba dahil sa kapansin-pansing pakurbang hugis ng bubungan ng kotse na animo ay ang likod ng isang hunchback o kuba. Noong bandang 90s naman, unti-unting nawala sa limelight ang nasabing sasakyan at madalas na lamang naka-park sa tapat ng mga bahay.

Dahil dito, kung nadadaan ang mga kotseng kuba o nakakikita ng mga ito sa daan, agad na mag-uunahan ang magkakaibigan na maabot ang ulo ng isa’t isa ang gawin ang larong ‘pendong peace.’ Bawal ang malabo ang mata sa larong ito dahil siguradong hindi ka makahahawak sa ulo ng iyong kalaro.

Sa isang thread nga sa community group na Pinoy Exchange, matamis na sinariwa ng mga batang 90s ang kanilang karanasan sa paglalaro ng pendong peace. Iba-iba raw ang bersiyon nito dahil mayroong ilan na ginagawa ito kapag may nakitang kalbo o di kaya naman ay eroplano.

“Ginagawa namin ‘yan noon. Kaso hindi lang pag may kotseng kuba. Ginagawa din namin kapag may kalbo kaming nakikita,” sabi ng isang netizen.

Larawan mula sa Pexels

“Iyong sa amin, yung eroplano. Everytime na mayroong eroplano, dapat magha-hand salute ka or else, babatukan ka. Weird talaga dati,” pahayag naman ng isa pang netizen.

Ayon naman sa pagsasaliksik ng blog ng kilalang Pinoy kainan na Kuya J, wala raw talagang kongkretong pinagmulan ang ganitong tradisyon at laro ng mga bata. Ngunit kung titignan daw ito sa mas malalim na teksto, ito ay isang simbolo ng pagbibigay ng kapayapaan ng mga kabataan noon, sa kakaibang paraan nga lang.