“Para sa Maitim”: Sabong pampaputi, umani ng puna mula sa netizens




Imahe mula sa Facebook account ni Ali Mall/Public Domain Image
  • Inulan ng mga puna mula sa mga netizens ang isang sabong pampaputi
  • Nakalagay kasi sa packaging nito na “Para sa Maitim”
  • Para sa maraming netizens, nakaka–offend ang naturang tagline

Tatak ng pagka–Pilipino ang kulay na kayumanggi. Gustong–gusto ng mga dayuhan ang kulay ng ating balat. Kumbaga, tamang–tama lamang ang timpla. Subalit dulot na rin ng impluwensiya ng mga lahing sumakop sa atin, na pawang may mapuputing kulay o “mestizo”, naging superyor ang pagtingin ng mga Pilipino sa balat na maputi.

Patunay rito ang maraming mga Pilipinong gumagamit ng iba’t ibang mga produkto para lamang pumuti. Kaya naman, hindi nakaligtas sa mga mapanuring mata ng mga netizens ang nakasaad na tagline sa isang sabong pampaputi, na ibinahagi naman ng isang nagngangalang “Ali Mall” sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Ali Mall

Makikita na ang sabong pampaputi na may flavor na “orange” ay ibinebenta lamang sa presyong 19 piso sa isang sikat na drugstore sa bansa. Ang “ikinawindang” ng mga netizens ay ang nakalagay sa packaging nito na “Para sa Maitim”.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “Napakaharsh naman ng kompanyang ito! So anong ibig ninyong sabihin, kung maitim eh pangit na? Talagang sa panahon ngayon, uso pa rin ang diskriminasyon sa kulay no?”

“Turan naman ng isa, “Grabe naman sila ohhh. Magagalit ang reigning Miss Universe sa inyo. Walang masama sa pagkakaroon ng dark complexion. Actually nagagandahan o nagagwapuhan nga ako sa kanila. Masyado namang direkta ang pangmamaliit ng product na ito. Nakaka–offend.”

“Wala man lang pasintabi ang tagline! Hahaha. Makagamit nga nito. Kapag hindi ako pumuti nang sobra, humanda kayo sa akin,” komento naman ng isa.

Nanggalaiti naman ang isang netizen. “Dapat i–report iyan sa DTI. Dapat maging responsable naman sa paglalagay ng tagline sa mga products. Parang offending kasi. Wala bang other way to promote this kind of product nang hindi nakakasagasa nang damdamin ng iba?”

Public Domain Image

Samantala, wala pa namang pahayag ang manufacturing company ng naturang sabong pampaputi tungkol sa naturang isyu.

Source :

Facebook