Pagpapatala para sa Philippine Identification System ID, maaari nang isagawa sa Hulyo




Public Domain Image
  • Magsisimula na ang pagpapatala para sa pagkuha ng Philippine Identification System ID o PhilSys ID sa Hulyo 2020
  • Ito ay magiging  opisyal na pambansang pagkakakilanlan ng mga mamamayang Pilipino sa buong Pilipinas at buong mundo
  • Nakasalig ito sa  “Philippine Identification System Act” (Republic Act No. 11055) na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 6, 2018

Maaari nang magpatala ang mga Pilipino sa matagal nang hinihintay na implementasyon ng pagkakaroon ng National ID sa Pilipinas sa darating na Hulyo 2020.

Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority o PSA, tinatayang 107 milyong Pilipino ang magkakaroon ng National ID sa pagpasok ng Hulyo 2020. Noong Setyembre 2019 nagsimula ang kanilang pilot testing registration, at magsisimula na ito nang tuluyan nitong Hulyo 2020, at inaasahang magtatapos sa Hulyo 2022.

Public Domain Image

“We are on track to have the system fully operational and to start the mass registration by mid-2020, and complete the enrollment of the population by mid-2022”, ayon kay National Statistician at PSA Undersecretary Dennis S. Mapa.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizen. Sabi ng isa, “Excited na akong magkaroon ng National ID. Maganda ito para sa atin!”

Turan naman ng isa, “Kailan at paano po malalaman kapag puwede nang magparehistro para sa National ID System?”

“Malaking tulong po ito para isahan na lamang ang mga ID,” komento naman ng isa.

Ang Philippine Identification System ID (PhilSys ID) o Philippine Identification Card ay opisyal na pambansang pagkakakilanlan ng mga mamamayang Pilipino sa buong Pilipinas at buong mundo. Libre itong makukuha salig sa  “Philippine Identification System Act” (Republic Act No. 11055) na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 6, 2018.

Maaaring magamit ito sa iba’t ibang mga transaksyon sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng SSS, GSIS, BIR, PhilHealth, Pag-IBIG, at papalit sa iba pang mga ID tulad ng UMID, Postal ID, Voter’s ID, at marami pang iba.

Kinakailangan ang sumusunod na mga impormasyon sa national ID: buong pangalan ng registrant, unique number, larawan ng mukha, petsa ng kapanganakan, kasarian, blood type, at permanenteng tirahan.

Public Domain Image

Para naman sa mga requirements, kinakailangan ang mga sumusunod: orihinal at authenticated na kopya ng Birth Certificate ng PSA (dating NSO), at isang government-issued ID na naglalaman ng buong pangalan, larawan, lagda, o thumb mark. Maaari din ang valid na pasaporte, Unified Multi-purpose Identification o UMID card mula sa SSS o GSIS.

Para naman sa proseso, mangyaring magtungo lamang sa official website ng PSA.