Pagkumpirma ni JC Santos tungkol sa nalalapit na pagsilang ng anak, ikinagulat ng netizens




Imahe mula kay JC Santos | Instagram
  • Kaswal na kinumpirma ni JC Santos na malapit na siyang maging ganap na ama
  • Inamin rin nito na masaya siyang pakasalan ang kaniyang high school crush na si Shyleena Herrera
  • Bagama’t marami ang nagulat sa anunsiyo ng aktor, masaya naman ang lahat dahil sa sunod-sunod na blessing na kaniyang natatanggap

Kinumpirma na ng aktor na si JC Santos ang usap-usapan na malapit na siyang maging ama.

Imahe mula kay JC Santos | Instagram

Nangyari ito sa press conference ng kaniyang bagong pelikula na pinamagatang “On V0dka, Beers, and Regrets” kasama ang dating na ring nakatambal na aktres na si Bela Padilla.

Sa Youtube video na in-upload ng entertainment reporter na si Allan Diones noong January 16, marami ang nagulat sa naging pahayag ng aktor tungkol sa kaniyang personal na buhay.

Maliban sa anunsiyo ni JC tungkol sa nalalapit na paglabas ng kaniyang baby girl, inamin din nito na nauna na siyang ikinasal sa kaniyang high school crush na si Shyleena Herrera.

“2019 is the best year for me,” ani JC sa isang panayam. “Sobrang thankful ako kay Lord na lahat ng dasal ko, lahat ng pangarap ko, natupad last year. Natupad siya in a way na para pati yung karera ko, pati yung career, kumbaga lahat nangyari.”

Dagdag pa ni JC, “Bukod doon sa career ko, actually, yung crush ko noong high school na nabasted ako 15 years ago, nagkita kami ulit at hindi ko na siya pinakawalan.”

Ayon pa sa aktor, siya mismo ang nagsabi sa mga magulang at kapatid ni Shyleena na gusto niya itong pakasalan.

“Nalaman na nila and nag-propose ako, and we got married. And now we have a new beautiful blessing,” masaya nitong sinabi.

Imahe mula kay JC Santos | Instagram

Nang tanungin naman kung bakit walang nakaalam tungkol sa pagpapakasal ng aktor, sinabi ni JC na wala namang nagtatanong sa kaniya. Bukod pa roon, ipinahayag ng aktor na planado ang kaniyang pagpapakasal sa edad nitong 31.

Bagama’t marami ang nagulat sa anunsiyo ng aktor, masaya naman ang lahat dahil sa sunod-sunod na blessing na kaniyang natatanggap.