Nike inihinto muna ang pagtitinda ng mga Kobe Bryant items




Larawan mula sa YouTube at Nike news
  • Itinigil muna ng Nike ang pagtitinda ng Kobe Bryant items
  • Ito raw ay upang mapigil ang mga resellers na mag-hoard ng KB gears
  • Pag-iwas din ito sa pagbebenta ng mga KB items na mas mataas ang presyo

Kaugnay ng kalunos-lunos na sinapit ng basketball superstar na si Kobe Bryant, naiulat na inihinto muna ng clothing at sports apparel company na Nike ang pagbebenta ng mga items, kabilang ang iconic KB shoes.

Hindi man kinumpirma ng Nike, napabalita sa iba’t ibang reliable source kabilang ang sports media network na ESPN na wala munang ipinagbibiling Kobe items ang nasabing brand upang mapigilan ang mga resellers na bumili ng maraming produkto at ibenta nang mas mahal dahil maaari na itong maging collector’s item.

Larawan mula sa YouTube

Sinasabing ang collaboration ng Nike at ni Kobe ay isa sa pinakamatagumpay na partnership nila sa mga NBA superstar. Sa katunayan, nasa 100 NBA players na raw ang nagsuot ng mga designed sneakers na may kaugnayan kay Kobe.

Kinikilala ang mga KB shoes na gawa ng Nike dahil sa magandang disenyo ng mga ito at sa inobasyong ginagawa rito upang mas mapaganda ang mga produkto. Minsan na ring inilahad ng mga Nike designers ang pagiging metikoloso ni Kobe sa pagdidisenyo ng mga ito at ang naisin nito na mapaganda ang mga sapatos taon-taon.

Wala mang opisyal na pahayag patungkol sa pagtanggal sa mga pamilihan ng Kobe shoes, naglabas naman ng official statement ang Nike patungkol sa paglisan ng basketball legend. Ayon sa Nike, hindi kailanman malilimot ng kompanya ang naging ambag ni Kobe sa larangan ng basketball sa buong mundo.

Larawan mula sa Nike news

“He was one of the greatest athletes of his generation and has had an immeasurable impact on the world of sports and the community of basketball. He was a beloved member of the Nike family. We will miss him greatly. Mamba forever,” bahagi ng statement ng Nike.

Unang naglabas si Kobe ng kanyang collaboration shoes sa Nike noong 2003. Simula noon, hindi lamang ang pangalan ni Kobe ang binabayaran ng Nike dahil tunay daw itong naging hands-on sa pagbuo ng Kobe gears. Matiyaga raw itong makipagpulong sa mga executive para mapabuti ang produkto.