Nasobrahan sa edit: Vlogger na si Cong TV, nawalan ng leeg sa kanyang ID picture




Larawan mula sa Facebook account ni CongTV
  • Naghatid ng good vibes ang isa sa mga Facebook post ng vlogger na si Cong TV
  • Nawalan kasi siya ng leeg sa kanyang pina-edit na ID picture
  • Umabot sa daang libong reactions ang nakuha ng larawan at umani na rin ng maraming shares

Sa panahon ng makabagong teknolohiya, madali na lamang isakatuparan ang maraming bagay tulad ng pagpapakuha ng larawan. Dahil isang malaking bahagi na ng buhay ng maraming mamamayan sa mundo ang camera, madali nang makapagparetrato at mai-print na agad ang larawan na kung minsan ay dumadaan pa sa editing upang makuha ang gustong kalabasan.

Isa sa mga bagay na ine-edit ng mga photo printing shop ngayon ay ang damit ng mga nagpapakuha. Kung dati ay kailangan mo talagang magsuot ng partikular na damit upang iyon din ang lumabas sa larawan, ngayon, maging ang damit ay nagagawan na rin ng paraan ng mga photo editing applications.

Larawan mula sa Facebook account ni CongTV

Ngunit kahit gaano ka-advance ang teknolohiya, minsan ay sumasablay din ito. Katulad ng nangyari sa vlogger na si CongTV na dahil sa maling pagkaka-edit ay nawalan na siya ng leeg sa kanyang ID picture. Ibinahagi niya sa kanyang Facebook account ang epic fail na karanasang ito na nagbigay naman ng ngiti sa mga netizens.

Ni-request daw talaga ni Cong TV na bawasan ang kanyang leeg sa kanyang ID picture na naka-formal attire pa. Pakiramdam siguro ni Cong ay mayroon na siyang double chin kaya sinabi niya sa nag-eedit na pabawasan naman ang leeg niya para magmukha siyang slim sa picture. Ngunit ang kinalabasan, imbes na mabawasan ay tuluyang nawala ng leeg niya sa larawan.

Agad na nag-viral sa Facebook ang post na ito ng sikat na vlogger. Umabot lang naman sa halos 193,000 reactions, 11,000 comments, at 76,000 shares ang larawan niyang ito. Maging si Cong ay naaliw sa karanasan niyang ito at patuloy na nagpo-post ng tungkol dito sa kanyang Facebook page.

Larawan mula sa Facebook account ni Cong TV

May larawan siyang in-upload para sa isang cellphone brand kung saan ginaya niya ang kinalabasan ng larawan at itinago ang kanyang leeg sa suot na t-shirt. Sabi ni Cong TV, hindi raw niya alam kung kailan babalik ang kanyang leeg.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nag-viral sa social media ang tungkol sa isang palyadong ID picture edit. Isang netizen din ang nag-upload ng kanyang pina-edit na ID picture kung saan nawala ang kanyang kaliwang tainga.