Mungkahi ng isang concerned netizen kaugnay sa relief operations sa Batangas: “Long term ang problema kaya long term din ang solusyon”




Public Domain Image
  • Isang concerned netizen ang nagbigay ng kaniyang obserbasyon at mungkahi para sa mas maayos na pagbibigay ng relief goods at pangangalaga sa mga nasalanta ng pagsabog ng Bulkang Taal
  • Nakapagtala siya ng sampung magagandang mungkahi
  • Hangad naman ng mga netizens na maisakatuparan ito

Sa panahon ng matinding pangangailangan, kitang–kita ang natatanging katangian ng mga Pilipino sa akto ng bayanihan. Simula nang pumutok ang Bulkang Taal noong Enero 12, 2020, hindi paawat ang iba’t ibang uri ng tulong na ipinaaabot sa mga nasalanta; mula sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, damit, gamot, tubig, hanggang sa mga libreng serbisyo tulad ng libreng gupit, libreng kasal, libreng dust pan, at marami pang iba.

Sa kabila nito, isang concerned netizen at volunteer na nagngangalang “Gerald Hidalgo” ang nagbigay ng kaniyang obserbasyon at suhestyon hinggil sa relief operations sa mga evacuation centers sa Batangas.

Ayon sa kaniyang Facebook post noong Enero 16, 2020, nakatutuwang isiping maraming mga relief goods tulad ng bigas, noodles, de–lata, at marami pang iba ang walang humpay na dumarating —  subalit ang problema, kulang naman sa paglulutuan.

Public Domain Image

Kaya naman, nagbigay siya ng sampung mungkahi sa pagbibigay ng relief goods at tulong sa mga evacuation centers.

Una raw,magkaroon ng mobile kitchen ang bawat evacuation centers kung saan maaaring tumulong sa paghahanda ng kanilang kakainin ang mga evacuees at volunteers.

Pangalawa, isama raw sa kwenta ng preparasyon sa pagkain ang mga volunteers, security, at evacuees na nasa lugar.

Pangatlo, magkaroon ng head count sa bawat area upang maisama sa listahan. Mabigat umanong magpakain ng 2-3 pamilya bawat bahay. Sa oras ng kain ay saka sila umano magtutungo sa evacuation center upang hindi magulo.

Pang–apat, ang dalhin na lamang daw sa evacuation center ay sako–sako ng bigas, asukal, kape, baboy, manok, at gulay.

Panlima, gumawa ng komite sa bawat evacuation center na in–charge sa inventory ng pagkain at meal planning para sa volunteers.

Ikaanim, gumamit ng water filters kaysa mga bottled waters upang mabawasan ang mga basura.

Pampito, magbigay ng allowance o suweldo sa mga evacuees na tutulong para sa paglilinis ng area nila gaya ng kusina at palikuran at  pangwalo, gumamit ng washable na mga plato, kutsara at tinidor para sa mas maayos na sanitasyon.

Public Domain Image

Pangsiyam, mag–post o maglagay ng bulletin sa schedule na maaaring makapagdala ng hot meals. Minsan daw ay nagsasabay–sabay kaya napapanis ang ibang mga dinala. At panghuli, magkaroon ng registration ng mga evacuees na nasa bahay at evacuation center sa bawat barangay  para maisaayos ang bilang ng dapat ihanda.

Dagdag pa niya, “Long term ang problem na ito kaya mas maganda na long term din ang solution na gagawin at i– plano.”

Samantala, sumang–ayon naman ang maraming mga kapwa netizens sa kaniyang mungkahi. Nawa raw ay maikonsidera ang mga ito para sa mas maayos na pagbibigay ng tulong sa mga tao.

Source :

Facebook