Milk Tea Lovers Alert: Malaking mall sa Mandaluyong, may milk tea festival sa loob ng dalawang linggo




Larawan mula sa SM Megamall Facebook page
  • Idinaraos ngayon sa isang malaking mall sa Mandaluyong ang isang milk tea festival
  • Ito ay bilang pagdiriwang din ng Chinese New Year ng nasabing mall
  • Mayroong discounts at papremyong naghihintay sa mga makikiisa sa milk tea festival

Hindi maikakaila na naging tanyag ang inuming milk tea sa bansang Pilipinas. Mula sa pagiging sikat na inumin sa bansang Taiwan, maraming Pilipino na rin ang nahumaling sa lasa nito. Naging patok na negosyo pa nga ito ng maraming kababayan natin at tila naging ‘pangkaraniwan’ nang inumin dahil nabibili na sa iba’t ibang kanto sa Pilipinas.

At dahil sa popularidad ng milk tea, maging ang malalaking establisimyento tulad ng mga mall ay nakikilala ang kahalagahan nito sa kanilang negosyo at ang kasiyahang naibibigay nito sa kanilang mga parokyano. Kaya naman mayroong inilunsad na milk festival ang isang sikat na mall sa Mandaluyong.

Larawan mula sa SM Megamall Facebook page

Gagawin sa loob ng dalawang linggo ang Milk Tea Festival sa 2nd level ng Mega Atrium, SM Megamall. Tatagal ito hanggang Enero 31. Ayon sa pamunuan ng mall, isa rin itong bahagi ng kanilang pagdiriwang ng Lunar New Year o mas kilala bilang Chinese New Year dahil sa China nagmula ang tsaa at sa Taiwan naman galing ang konsepto ng bubble tea o milk tea.

Mayroong anim na sikat na milk tea brands ang kasama sa nasabing milk tea festival. Matatagpuan ang kiosks ng mga brand na Tiger Sugar, Coco, The Alley, Gong Cha, Tokyo Bubble Tea, at Hui Lau Shan na mas padadaliin ang milk tea experience ng mga mall goers.

Nagbibigay din ng treats at exclusive discounts ang mga nasabing milk tea kiosks na kasama sa milk tea festival katulad ng free upsize. Mayroon din daw pagkakataon na manalo ng iba’t ibang premyo mula sa mga participating milk tea shops.

Larawan mula sa SM Megamall Facebook page

Marami namang milk tea lovers at mga netizens ang natuwa sa kakaibang paandar na ito ng SM Megamall. May ilang nagta-tag sa kani-kanilang kaibigan at kasintahan na pumunta sa nasabing milk tea festival at i-enjoy ang kanilang paboritong inumin sa mas murang halaga at may treats pa.

Sabi naman ng ilang social media users, mukhang mas maganda na sa Megamall gawin ang kanilang meetings para makadiretso sa milk tea shops. Ang ilang netizens naman ay humihirit pa ng ibang milk tea brands na makasali sa nasabing milk tea festival.

Source :

Facebook, SPOT