Mga taga-Pampanga na nasalanta ng pagputok ng Mt. Pinatubo, tutulong sa mga biktima ng Bulkang Taal




Mga imahe mula sa Pampanga IPO Facebook page at Wikipedia
  • Patuloy ang pagdating ng tulong para sa mga biktima ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal
  • Isa sa mga inaasahang tutulong sa kanila ay ang pamahalaan ng Pampanga na minsan na ring nasalanta ng pagsabog ng Mount Pinatubo
  • Ayon sa gobernador ng Pampanga, ito na ang panahon para tumanaw ng utang-na-loob sa mga tumulong sa kanila noong 1991

May tamang panahon para sa lahat ng bagay. At sa kalagayan ng mga lalawigan o bayan na apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal, ito ang nakikitang tamang panahon para umano magbayad ng utang-na-loob ang lalawigan ng Pampanga sa mga tumulong sa kanila noong panahong pumutok ang Mt. Pinatubo.

Imahe mula sa Pampanga IPO Facebook page

Sa isang Facebook post, inanunsiyo ni Pampanga Governor Dennis “Delta” Pineda na bilang mga survivors ng naganap na pagputok ng Mt.  Pinatubo noong 1991 ay nakahanda umano silang tumulong sa mga nasalanta ng pagsabog ng Bulkang Taal.

“Tayong survivors ng Mt. Pinatubo disaster ay tutulong sa mga nasalanta ng pagputok ng Bulkang Taal,” pambungad ni Pineda.

Pangungunahan din ni Pineda ang 50-vehicle convoy na maghahatid ng kanilang tulong sa mga apektadong pamilya.

“Kasama po si PDRRMO executive office Angie Blanco, ako po ang mangunguna sa 50-vehicle convoy na sakay ang mga medical teams, social workers, rescue and search personnel, at mga kagamitan para tumulong sa rescue at evacuation ng mga residente na apektado ng pagputok ng Bulkang Taal,” paliwanag pa ni Pineda.

May dala rin silang 8,500 food packs na kanilang taos-pusong ibibigay sa mga apektado ng kalamidad.

“Payback time po ito. Ito po ay pasasalamat dahil noon pong pumutok ang Bulkang Pinatubo, marami po ang tumulong sa atin para iligtas tayo at makabangon,” pagwawakas ni Pineda.

Ang pagputok ng Mt. Pinatubo noong Hunyo 1991 ay kinikilala bilang isa sa pinakamalaki o pinakamalawak na pagsabog ng bulkan noong ika-20 siglo.

Ang ashfall mula sa pagsabog na ito ay umabot hanggang Metro Manila at iba pang lalawigan sa Luzon, maging sa ibang bahagi ng Southeast Asia.

Imahe mula sa Wikipedia

Tinatayang 1.25 milyong katao ang naapektuhan ng pangyayaring ito at tinatayang 717 katao ang napahamak.

Sa kabutihang-palad, tinatayang 5,000 buhay ang nailigtas mula sa makasaysayang pagputok ng Mt. Pinatubo.

Source :

Facebook, Rappler