Mga isda mula sa Taal Lake hindi na umano ligtas kainin, ayon sa DOH




Imahe mula kay Exec8 / Wikipedia
  • Pinapayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag nang kainin ang mga isda na nanggaling sa Taal Lake
  • Paliwanag ng ahensya, mataas na ang sulfur content sa lawa dulot ng pag-alburoto ng Bulkang Taal
  • Hindi na rin umano dapat ipinagbibili ang mga isda na nagmula rito para sa kaligtasan ng kalusugan ng mga mamamayan

Iginiit ng Department of Health (DOH) sa publiko na huwag nang tangkain pa na iluto o kainin ang mga isdang nagmula sa Taal Lake.

Imahe mula kay Allan Castañeda | via Shore It Up Facebook page

Ayon sa ulat ng GMA News, sinabi umano ni DOH Assistant Secretary Ma. Francia Laxamana sa kaniyang pahayag sa media na mataas na ang sulfur content sa lawa dulot ng pag-alburoto ng Bulkang Taal.

Maaari umanong biktima ang mga isda rito ng tinatawag na “fishkill” dahil sa kemikal na nahalo sa tubig.

“Definitely meron po tayong mga advisory na lahat ng nanggagaling diyan sa area ng Taal at Batangas, dapat po talaga, wala nang bibili,” ani Laxamana sa isang press conference na ginanap sa Malacañang.

Dagdag pa niya, “Kasi hindi po natin maaasahan ‘yung safety ng ating mga mamamayan.”

Paliwanag ni Laxamana, makasasama sa kalusugan ang pagkain ng mga isdang kontaminado ng kemikal. Ang taong makakakonsumo umano nito ay maaaring makaramdam ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, at pagtatae.

Imahe mula sa Facebook video ni Mark Villar

Maliban sa mga sikat na pagkain sa Batangas tulad ng lomi, bulalo at kapeng barako, kilala ang probinsiya dahil sa naiaambag nitong produksiyon ng isda sa mga pamilihan. Partikular na nga rito ang Taal Lake na siyang pinagkukunan ng tawilis at tilapia.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nasa humigit-kumulang 6,000 na mga fish cage ang maaaring nasira sa Taal Lake simula nang mag-alburoto ang Bulkang Taal noong Enero 12.

Katumbas umano ito ng halos 15,033 metric tons na isda na hindi na mapakikinabangan ng mga mamamayan.