Mga batang lansangan sa Cebu City, tinuruan ng disiplina sa pagsasayaw para sa Sinulog Festival




Mga imahe mula sa Facebook page ng Sinulog Foundation Inc / Val Sandiego
  • Kabilang ang mga batang lansangan sa pangkat ng mga mananayaw na tampok sa Sinulog Festival 2020
  • Ayon sa Sandiego Dance Company, ang disiplina sa pagsasayaw ng Sinulog ay magagamit ng mga batang lansangan sa kanilang paglaki
  • Tuwing Enero, ang Sinulog Festival ang isa sa mga kapistahang pinaghahandaan ng mga Katoliko na may kaugnayan sa Santo Niño 

Isa sa mga popular na kapistahan sa Pilipinas ay ang Sinulog Festival sa Cebu City na ipinagdiriwang tuwing ikatlong Linggo ng Enero.

Maraming grupo ng mga mananayaw ang lumalahok sa parada ng Sinulog Festival upang magsayaw ng tradisyonal na dance step na kung tawagin ay “sulog.”

Isa na rito ang Sandiego Dance Company na makailang beses na ring nakatanggap ng grand prize bilang “Hall of Famer” sa pagsasayaw tuwing pista.

Imahe mula sa Facebook page ni Val Sandiego

Sa report ng Cebu Daily News, hindi lamang ang tagumpay sa pagsasayaw ng Sinulog ang nais mangyari ni Val Sandiego, ang may-ari at choreographer ng Sandiego Dance Company.

Ayon sa kaniya, sa tuwing magsasayaw ang kaniyang grupo ay lagi niyang nakikita ang mga batang lansangan na nakitaan niya ng kuryosidad habang sila ay pinapanood. Dahil dito naisip niyang tulungan ang mga batang ito.

Iminungkahi niya sa Sinulog Governing Board, counterpart ng Sinulog Foundation Inc. sa Cebu City, na itampok din sa pagdiriwang ang mga batang lansangan na inaprubahan naman ni Mayor Edgardo Labella noong Nobyembre 2019.

Dahil dito, bumuo si Sandiego ng isang pangkat ng mga bata mula sa mga barangay ng Ermita at Mabolo na tuturuan ng Sandiego Dance Company. Tinawag itong “Sinulog sa Palaboy.”

Nagbunga naman ang halos isang buwang pag-eensayo ng tinatayang 180 bata na nagtanghal sa opening ceremony ng Sinulog Festival noong Enero 10, 2020. Ang mga batang dati ay nanonood lamang sa gilid ng mga lansangan ay nangunguna na rin sa pagsasayaw.

Kakikitaan din ang mga batang lansangan ng disiplina sa pagsasayaw.

“I can see the transition from the basic two steps forward, one step backward, to the more intricate dance steps. Our children have formed the discipline to dance,” sabi ni Sandiego sa ulat ng CDN.

Imahe mula sa Facebook page ng Sinulog Foundation Inc. / Kuha ni Chang Euldan

Nahirapan din ang mga tagapagturo ng sayaw sa mga batang lansangan dahil sa una raw ay hindi nakikinig ang mga bata ngunit nang simulan na nila ang pagsasayaw ay madali nila itong natutuhan.

Ang disiplina sa pagsasayaw na natutuhan ng mga bata ay maaari nilang magamit at maging pundasyon sa kanilang paglaki.