Lolo na nagpe-pedicab pa rin at sinasabihang mabagal ng pasahero: “Kailangan ko kasi wala ako pambili ng bigas”




Larawan mula sa Facebook post ni Joana Karyl Alforte Arce
  • Umantig sa mga netizens ang kuwento ng isang matandang pedicab driver na sinasabihan daw siyang mabagal magmaneho
  • Sabi raw ng matanda, kailangan niya itong gawin para may pambili siya ng bigas
  • May ilang mga netizens naman na tumulong sa matanda at nagbigay ng grocery products at bigas

Isinabatas ang pagreretiro ng mga mga trabahador sa iba’t ibang opisina at ahensiya sa oras na maging senior citizens na sila upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan dahil nagkakaedad na sila. Saklaw pa nito ang pagkakaroon ng pensyon at ilang benepisyo para mas mapagaan ang buhay ng mga nakatatanda.

Gayunman, hindi lahat ng matatanda ay nagkakaroon ng pagkakataong makapagpahinga at matamasa ang maginhawang pamumuhay. May ilan na dahil sa kahirapan, kahit na hindi na  ganoon kalakas ay pinipilit pa ring kumayod para sa kanilang pamilya.

Larawan mula sa Facebook post ni Joana Karyl Alforte Arce

Ganito ang nakaaantig na kuwento na ibinahagi ng netizen na si Joana Karyl Alforte Arce sa isang grupo sa Facebook.

Ibinahagi niya ang usapan nila ng matandang pedicab driver na nasakyan niya. Ayon sa matanda, kahit na mabagal na siyang magmaneho ay tinitiis niya para makabili ng pagkain nilang pamilya.

Salaysay pa ni Arce sa kanyang post, sinabi raw ng matandang driver na madalas daw ay nasasabihan siya ng mga pasahero na napakabagal na niyang magmaneho ng pedicab. Pero kaya pa naman daw ni tatay at pilit siyang nagsisipag dahil kung hindi raw siya mamamasada ay wala silang pambili ng bigas.

“Kaya ko naman kaso mabagal lang kasi malakas ang hangin. Dami nga nagrereklamo minsan kasi mabagal daw pero kailangan ko kasi wala ako pambili ng bigas,” sabi ni Arce sa kanyang post bilang pag-quote sa sinabi ng matandang pedicab driver.

Agad namang nag-viral sa Facebook ang post na ito ni Arce at umabot lang naman sa 15,000 reactions, 275 comments, at 9,200 shares ilang araw matapos i-post. Marami ang humanga sa matanda dahil sa dedikasyon nito na makapagtrabaho upang may maipakain sa pamilya.

Larawan mula sa Facebook post ni Joana Karyl Alforte Arce

Marami din ang nagka-interes na tulungan si Lolo. Marami ang nagtanong sa uploader patungkol sa detalye ng matanda partikular kung saan ito nakatira. Handa raw kasi silang magpadala ng tulong, lalo na ang bigas, para naman hindi kailangan nito na kumayod dahil sa edad na rin nito.

May isa namang netizen na nag-upload ng mga larawan na natulungan na nila ang matandang pedicab driver. Binigyan nila ng bigas, groceries, at prutas ang matanda kasama ang asawa nito. Isang matamis na ngiti naman ang isinukli ng masipag na driver.