JaDine kasal na nga ba sa US, ayon sa isang malapit na kaibigan?




Imahe mula sa Instagram account ni James Reid
  •  James Reid at Nadine Lustre, matapos ang isyung hiwalayan, kasal naman ang napapabalita
  • Matagal na umanong kasal ang dalawa sa US, ayon sa isang source
  • Naghahanda na ang dalawa na lumipat sa kanilang bagong condo

Matapos ang napabalitang hiwalayan nina James Reid at Nadine Lustre sa pagpasok ng bagong taon, kumpirmasyon sa isyung kasalan naman ang inaabangan ng kanilang mga fans.

Imahe mula sa Instagram account ni James Reid

Abot langit ang saya ng mga JaDine fans matapos magpost kamakailan lamang ni James sa kanyang Instagram account ng larawan nilang dalawa ni Nadine sa kanilang pag-akyat sa Mt. Ulap kasama ang ilang mga kaibigan.

Bago pa man naganap ang kanilang selebrasyon para sa bagong taon, na-interview pa si James sa dinaluhang New Year countdown sa Quezon City kung saan tinanong siya ng isang ABS-CBN reporter kung paano nila sasalubungin ang bagong taon. “We’ll be all together later, celebrating and counting down over in Makati,” hayag niya.

Hindi man direkta ang paggiit ng dalawa sa kumalat na isyung hiwalayan, nanatili namang positibo ang mga fans sa kanilang relasyon lalo na nang makakita sila ng larawan ng dalawa na magkasamang nagdiwang ng bagong taon.

Ilan sa mga fans ay pinabulaanan ang isyung hiwalayan at sila mismo ang nagpost ng nakitang New Year pictures ng dalawa sa kanilang mga Twitter accounts.

Nitong January 5 naman nagpahayag si Nadine ng kanyang saloobin sa isang Instagram story at sinasabing walang katotohanan ang mga balitang kumakalat.

Sa isang pagtitipon nitong nakaraang araw, nakausap umano ni Julie Bonifacio ng Bandera ang isa sa malalapit na kaibigan ni Nadine. Hindi naiwasang pag-usapan ang mga isyung kumalat patungkol sa dalawa. Sagot naman umano ng naturang source, “Bago nila sabihin na hiwalay na ang JaDine, hintayin muna nilang magpa-annul ‘yung dalawa.”

Imahe mula sa Instagram account ni James Reid

Nagtaka umano sina Bonifacio at ang kanyang mga kasama kaya agad nilang tinanong kung kasal na ba ang dalawa. Ayon sa source, matagal na raw kasal ang dalawa sa US kasabay ng kanilang teleseryeng “On The Wings of Love” na ipinalabas sa ABS-CBN noong 2015 hanggang 2016.

Dahil dito, hindi na raw dapat magtaka ang mga tao kung bakit nagsasama na ang dalawa sa iisang bahay. Plano na rin umanong lumipat ng dalawa sa kanilang bagong condo sa Makati kaya hindi maiiwasang mapansin ang pagliligpit ng kanilang mga gamit sa kanilang kasalukuyang bahay sa Quezon City.